Aktuwal training ng atleta, ihihirit ng PSC sa IATF
HIGIT na determinado ang Philippine Sports Commission (PSC) na mapaabrubahan sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagbabalik sa training ng atletang Pinoy upang masiguro ang kanilang kahandaan na maidepensa ang overall championship sa 2021 Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.
Ayon kay PSC Officer-In-Charge Ramon Fernandez karamihan sa sports event na nauna nang inaprubahan ng Vietnam Organizing Committee ay non-contact sports kung kaya’t mas mababa ang posibilidad ng hawaan sa COVID-19 sa panahon ng pagsasanay.
“Maganda na ang sitwasyon sa Metro Manila na mailalagay na yata sa Modified General Community Quarantine (MGCQ). With this development, hopefully ma-convinced na namin ang Technical Working Group ng IATF na maluwagan na rin ang mas maraming sports,” pahayag ni Fernandez.
Hindi naman umano, nagkukulang sa pagsasanay ang mga atleta na pawang naka-quarantine sa kami-kanilang tahanan, matapos pansamantalang ipagamit bilang quarantine facilities sa mga may kaso ng COVID-19 ang mga pasilidad na Rizal Memorial Sports Complex at Ninoy Aquino Stadium sa Manila at Philsports sa Pasig City.
Unti-unti nang isinasailalim sa sanitation ang naturang lugar matapos ang patuloy na pagkakaroon ng mababang bilang na gumagamit sa pasilidad, ngunit iginiit ni PSA National Training Director Marc Velasco na sakaling mapaluwag ang sitwasyon maaring ilagay sa isang lugar ang mga atleta para sa kanilang pagsasanay.
“Yung mga kapit-bahay natin medyo lumuwag na yung quarantine nila at balik na rin sa training. Malaking bagay sa atleta na makapagsanay na,” sambit ni Fernandez.
Nitong Linggo, sinabi ni Philippine Olympic Committee (POC) president Bambol Tolentino na tinapyas ng host Vietnam sa 36 sports na hinati sa tatlong kategorya ang lalaruin sa 31st edition ng biennial meet na nakatakda sa 2021.
Kabilang sa kategorya 1 ang athletics at aquatics (swimming and diving) – kapwa medal-rich Olympic sports, habang magkakasama sa kategorya 2 ang archery, badminton, basketball (3×3 and 5×5), billiard snooker, boxing, canoeing/kayak, chess (xiangqi), cycling (road and mountain bike), dancesport, fencing, football, futsal, golf, gymnastics (artistic, rhythmic, aerobic), handball (indoor and beach), judo, karate, muay, pencak silat, petanque, rowing, sepak takraw, shooting (pistol, rifle, shotgun), table tennis, taekwondo, tennis, volleyball (indoor and beach), weightlifting, wrestling (Greco Roman and freestyle), at wushu.
Nasa kategorya 3 naman ang finswimming, bodybuilding, kurash, kickboxing at vovinam.
Hindi kasama ang mga sports na bowling, baseball, duathlon, esports, floorball, hockey (ice, indoor and underwater), ice skating, jujitsu, modern pentathlon, netball, polo, rugby sevens, sailing, sambo, skateboarding, soft tennis, softball, surfing, squash, waterskiing at water polo na pawang kabilang sa 56 sports na nilaro sa Manila nitong 2019.
Ayon Tolentino, iaapela niya na makasama ang arnis, triathlon at obstacle course na pawang nagbigay ng malaking bilangng gintong medalya sa bansa sa nakalipas na edisyon. ANNIE ABAD