NAGING unibersal na simbolo ang face mask sa paglaban sa coronavirus (COVID-19) ng mga tao at pamahalaan sa buong mundo.
Ang face mask, kasama ng social distancing at palagiang paghuhugas ng kamay, ay kilala ngayon bilang pinakamabisang proteksiyon laban sa virus, na natuklasang naglalakbay sa hangin mula sa pagbahing, pag-ubo, o simpleng paglanghap sa hininga ng epektadong tao. Sa kawalan ng bakuna, ang pag-iwas na mahawa ng impeksiyon, sa kasalukuyan ang pinakamainam na proteksiyon laban sa virus at ito ang naibibigay ng face mask.
Karamihan sa mga siyudad at bayan sa Pilipinas ang nagpatupad na ng mga lokal na ordinansa na nag-uutos sa paggamit ng face mask at pagpapanatili ng physical distancing na isa hanggang dalawang metro mula sa isa pang tao, kung saan lokal na puwersa ng pulisya ang nagbabantay. Guwardiyado naman ng mga militar at Coast Guard ang mga national borders ng bansa mula sa pagpasok ng impeksiyon.
Nitong Linggo, inirekomenda ng Joint Task Force COVID Shield na aktibong pagpapatupad sa paggamit ng face masks at local distancing ay babantayan ngayon hindi lamang ng mga pulis at militar, ngunit gayundin ng mga barangay tanod at mga miyembro ng Public Order and Safety ng lokal na pamahalaan.
Sa kabila ng matinding pagsisikap ng mga pulis, mayroon pa ring lumalabag sa pagsusuot ng face mask at distancing sa lokal, na kalimitan ay sa malalayong komunidad. Tutulong ngayon ang mga barangay tanod sa pagpapatupad ng ordinansang ito.
Sentro rin ang face mask ng mga balita mula sa United States nitong Linggo, matapos na sa wakas, si President Donald Trump, na matagal nang tumatangging magsuot nito, ay napilit ng kanyang mga health adviser na gumamit, at magsuot ng kulay itim na mask na may presidential seal sa kanyang pagbisita sa mga sugatang military veterans sa Walter Reed Hospital sa labas ng Washington.
Matagal ding tinanggihan ni President Trump ang mga apela sa kanya para gumamit ng face masks, na humihikayat sa kanyang mga kababayan sa gayahin ito. Sa unti-unting pagbubukas ng mga estado sa Amerika, marami ang nagtungo sa beach, mga malls at lumabas sa lansangan nang hindi naka-face masks, na nagdulot ng muling paglobo ng impeksiyon. Ang pagsusuot ni President Trump ng mask ay isang hakbang upang maging halimbawa, na makatutulong sa bansa na mahinto ang pagkalat ng nakamamatay na virus.
Sa huli, umaasa tayo na madidiskubre na ang bakuna at lunas para sa COVID-19. Hanggang sa dumating ito, ang basikong pag-iingat na pagsusuot ng face mask, pagsunod sa social distancing at palagiang paghuhugas ng kamay, ang pinakamainam na paraan upang malabanan ang COVID-19.