MARAMI sa mga kababayan natin, lalo na ‘yung mga magsing-irog, ang umiikot ang ulo sa pilit na pag-intindi sa panukalang batas na paglalagay ng plastic barrier sa motorsiklo, isa sa mga paraan na naisip ng pamahalaan upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa magka-angkas dito.
Naging tampulan tuloy ito ng katatawanan para sa mga netizen dahil sa iba’t ibang nakatutuwang litrato ng mga plastic barrier na naglabasan sa social media, ilang araw matapos na ianunsiyo na papayagan na sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila ang magkaangkas sa motorsiklo, basta may harang sa pagitan ng rider at angkas nito.
Ilan lamang sa pinag-piyestahan na mga larawan ng “improvised” plastic barrier na naglabasan sa social media ay pintuan, plansahan, takip ng inodoro, payong, kama, portable na lamesa at marami pang mga kakatwang bagay – na kung paglilimiing mabuti ng mga nakakita, ay uri ng pangungutya sa mga nakaisip ng naturang panukala.
Pero kwidaw, ang panukalang plastic barrier – na kopya mula sa proyekto ni Bohol Gov. Arthur Yap, na inendorso naman agad ng Inter-agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.--- ay hindi lang basta-basta para sa magkaangkas sa motorsiklo, bagkus kailangan ay mag-asawa, kinakasama, syota o sa madaling salita ay nagsasama ang mga ito sa isang bahay.
Inihabol rin sa panukala na ang “same-sex couples” na magkasama sa isang bahay ay maaari ring mag-angkasan basta may plastic barrier ang motorsiklong sinasakyan.
Sa madaling salita, para lamang ito sa “couples” na magkasabay na umalis ng bahay upang pumasok sa kani-kanilang pinagtatrabahuhan. Isang paraan para umano hindi sila magkahawaan, sakali mang makakuha ng corona virus ang sinuman sa kanila. Weh – di nga?
Magdamag na magkasama sa bahay, magkatabing matulog na kadalasan ay may kahalong paglalambingan pa, sabay kumakain, at yung iba sabay pa ngang maligo – tapos pagnagmotorsiklo, dapat may plastic barrier?
Maraming mambabatas natin ang medyo napataas ang kilay sa panukalang ito, at ‘yung ibang ‘di nakatiis sa “kaplastikan” nito – gaya ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto, na agad na kinuwestyon ito.
Ang hiling ni Senator Recto ay dapat magsagawa ng ilang araw na “test runs” at repasuhing mabuti kung talaga ngang kailangan pang may plastic barrier sa pagitan ng mga magka-angkas na “couples”.
Sabi ni Recto: “Please don’t get me wrong, I do commend well-meaning initiatives to get breadwinners who ride pillion on motorbikes on the road again, but such should get the green light from science. Before we flag this off, can we please subject it to test runs and workshop review by experts?”
Pero tila nauna na kay Senator Rector ang “review” ng mga bihasang rider na gaya ng mga kaibigan kong sina Atoy Sta Cruz, opisyal ng Motorcycle Federation of the Philippines (MFP) at Aris “Paeng” Ilagan, sikat na motoring editor, na kapwa mas nag-aalala sa “safety issues” nang paggamit ng barrier, dahil malaki ang epekto nito sa pagtakbo at balanse ng motorsiklo.
Ang pagpapatupad sa paggamit ng plastic barrier ay bilang pagtugon sa pangangailangan sa malaking kakulangan sa transportasyon ng nagbabalik-trabaho na mga manggagawa, na kinakailangang sumunod sa itinakdang “social distancing” sa loob ng mga pampublikong sasakyan, kasama na rito ang linya ng MRT at LRT.
Ayon kay P/Lt. Gen Guillermo Eleazar, the chief of the Joint Task Force COVID-19 Shield, ang paglalagay ng plastic barriers sa mga motorsiklo ay bahagi nang unti-unting pagluluwag sa travel restrictions sa mga lugar na nasa ilalim pa rin ng mga community quarantine.
Sa nakaraang Laging Handa briefing, sinabi pa ni General Eleazar na darating din ang araw na hindi lamang “couples” ang pwedeng magka-angkas sa motorsiklo kundi lahat na ng mga may pangangailangan sa transportasyon.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.