PARA sa mga obispo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) dapat gamitin at sundin ng mga kongresista ang kanilang konsensiya sa isyu ng pagkakaloob ng prangkisa sa ABS-CBN. Kailangang isipin nila ang kalagayan at trabaho ng libu-libong kawani ng TV network, ng milyun-milyong tagasubaybay nito sa ‘Pinas at sa ibang mga bansa.

Hindi dapat na ang kanilang boto ay bunsod ng loyalty lang sa isang tao. Ang dapat pahalagahan ay ang higit na nakararaming mamamayan. Marahil, paglabas ng kolum na ito ay may desisyon na ang mga kasapi ng dalawang komite ng Kamara na tumatalakay sa ABS-CBN franchise. Ang mga ito ay ang House committee on legislative franchises at House committee on good government.

Pahayag ng kaibigang palabiro-sarkastiko-pilosopo: “Sana naman ay may konsensiya pa ang mga mambabatas.” Kung ang pananaigin ng mga kongresista ay ang bulong at atas ng kanilang budhi, garantisadong pabor sila sa franchise application ng higanteng ABS-CBN. May 11,000 empleado ang apektado ng pagsasara nito samantalang milyun-milyong kumukuha ng balita, impormasyon at kaaliwaan sa panonood ang mapagkakaitan ng kasiyahan.

******

Pinayagan na ng IATF o ng gobyerno ang tinatawag na “back-riding for couples” o pag-aangkas ng mag-asawa at live-in partners sa motorsiklo basta tatalima lang silang sa safety at health protocols ng Department of Health (DoH). Kailangang may body shields sila, naka-face mask at may puwang o physical distancing ang driver at pasahero.

Sabi ni presidential spokesman Harry Roque: “Back-riding is allowed between married couples.” Badya naman ni DILG Sec. Eduardo Año: “Kahit live-in partners ay puwede basta sila ay nakatira sa isang bahay.” Siyempre pa Sec. Año, kayrami yata sa ‘Pinas ang nagsasama lang o live-in o magkapartner na nakatira sa iisang bubong.

Sundot naman ng kaibigang palabiro: “Paanong hindi papayagang magkaangkas ang mag-asawa o live-partners eh sa bahay naman ay lagi silang magkasama, kumakain, magkadikit at magkap----tong pa kung gabi habang naka-lockdown o quarantine.”

******

Dahil sa mabilis na pagkalat ng coronovirus sa maraming bansa, kabilang ang Pilipinas, may nagpapalagay na ang virus na ito ay posibleng airborne na o lumulutang sa hangin hanggang sa masagap ng isang tao. Wala pang natutuklasang bakuna o gamot.

Tinatantiya at pinag-aaralan ng World Health Organization (WHO) kung ang virus na ito ay lumulutang na sa hangin taliwas sa unang teorya na ito ay nakukuha lamang ng isang indibiduwal kapag nasagap niya ang droplets o talsik ng isang taong umubo o magbahin na malapit sa kanya.

Sa ngayon may 239 scientists at dalubhasa sa kalusugan ang masusing nagsasaliksik at nag-aaral kung ang coronavirus disease-2019 (COVID-19) ay nasa yugto na ng “airborne transmission” kung kaya mabilis at parami nang parami ang nahahawa o dinadapuan ng sakit na ito.

Payo sa mga kababayang Pinoy, sundin ang paalala ng DoH: “Laging maghugas ng kamay, magsuot ng face mask, magkaroon ng agwat o physical distancing.” Napakasimple at napakadali lang ng alituntuning ito upang makaiwas tayo sa COVID-19 na ngayon ay may 12 milyon na ang apektado sa buong mundo.

-Bert de Guzman