NAGPAABOT na ng abiso ang United States sa United Nations nitong nakaraang linggo hinggil sa pagkalas ng bansa sa World Health Organization (WHO) epektibo mula Hulyo 6, 2021, na tugon sa naging banta ni President Donald Trump na lilisanin ang organisasyon na masyado umanong “China-centric.”
Sa pagkalas, ititigil ng US ang pag-aambag sa budget ng WHO, na noong 2018 ay umabot sa 15 porsiyento ng kabuuang $4.2 billion budget. Kinakailangan naman nitong bayaran ang
‘unpaid membership dues,’ na hanggang nitong Hunyo 30 ay umabot sa $198 million.
Nagpahayag naman ng pagkabahala ang global health community sa pagkalas ng US, lalo na’t nasa gitna ang mundo ng coronavirus pandemic. Nagkakaloob ang WHO ng teknikal na tulong sa mga bansa at nakikipag-ugnayan para tumugon sa mga health emergencies. Sa nakalipas, nanguna ang organisasyon sa pagpuksa ng bulutong (smallpox), pagtapos sa sakit na polio at pagbuo ng Ebola vaccine. Patuloy itong nagsisikap upang malabanan ang mga nakahahawang sakit tulad ng HIV-AIDS, malaria, at tuberculosis, gayundin ang mga non-communicable diseases tulad ng sakit sa puso at cancer.
Ikinalungkot ng American Medical Association ang naging desisyon ng America, na tinawag nilang isang malaking balakid para sa agham, public health at pandaigdigang koordinasyon upang malabanan COVID-19. “It puts the health of our country at grave risk,” anila.
Sa isang liham sa US Congress, 750 eksperto sa global health at international law ang nagsabing, “Withdrawal will likely cost lives, American and foreign, to COVID-19 by cutting crucial funds for WHO’s ongoing health emergencies program for testing, contact tracing, and vaccine development.”
Patikular na naging kritikal sa hakbang ni Trump ang Democratic Party Leaders ng America. Sinabi ni Sen. Bob Menendez, top Democrat sa Senate Foreign Relations Committee, na “it leaves Americans sick and America alone.” Nagkomento rin si dating Vice President Joe Biden, ang Democratic Party’s nominee para lumaban kay President Trump ng Republican Party sa November election, na sinabing, “On my first day as president, I will rejoin the WHO and restore our leadership on the world stage.”
Matagal nang sinisisi ni President Trump ang China para sa pandemya na nagdulot ng mas maraming impeksyon (higit 3 milyon) at pagkamatay (hingit 133,000) sa US kumpara sa anumang bansa sa mundo ngayon. Ginigipit nito ang 50 estado ng US na magbukas matapos ang ilang buwang pagpapatupad ng lockdown, ngunit nagresulta naman ito sa paglobo ng bilang ng kaso sa 33 estado, partikular ang Florida, Arizona, at Texas.
Bilang miyembro ng World Health Organization, kasama tayo ng iba pang mga bansa sa mundo na nalulungkot sa naging hakbang ng US na kumalas sa WHO, lalo na sa panahon ngayon na kailangan ang nagkakaisang aksiyon ng mundo para mapigilan ang pandemya. Ang pagkalas ng US bilang miyembro at pagtigil ng suporta nito ay inaasahang malaking epekto sa mga programa ng WHO. Sa harap ng halos nagkakaisang oposisyon sa naging hakbang ng US, umaasa tayong malilinawan ang administrasyon ni Trump sa naging pagkalas nito at makikiisa sa mas pinalakas na hakbang upang mapigilan ang coronavirus, na tinututukan ngayon ng WHO upang makalikha ng bakuna at gamot na lunas.