Inaasahang makararanas ng power interruption ngayong linggo ang ilang lugar sa Metro Manila at apat na kalapit nitong lalawigan bunsod na rin ng maintenance works na isasagawa ng Manila Electric Co. (Meralco) sa loob ng apat na araw.
Sa ipinalabas na maintenance schedule ng Meralco, sisimulan ang maintenance works ng Hulyo 13 at magtatagal hanggang sa Hulyo 16.
Kabilang sa mga inaasahang maaapektuhan nito ang Quezon City dahil sa isasagawang pagpapalit ng poste at instalasyon ng mga pasilidad sa Lupang Pangako Subdivision, Phase 1, sa Barangay Payatas, ngayong Hulyo 13.
Sa Hulyo 14 naman, apektado ang mga lugar ng Batangas City sa Batangas province dahil sa replacement of poles at line reconductoring works sa kahabaan ng Jose P. Laurel Highway sa Barangay Concepcion; Sto. Tomas, Batangas dahil sa pag-upgrade ng mga pasilidad sa San Joaquin Road, Barangay San Joaquin; Novaliches, Quezon City dahil sa installation of poles at line reconductoring works sa loob ng Jordan Heights Subdivision sa Barangay Nagkaisang Nayon; at Antipolo City sa Rizal Province dahil sa relokasyon ng mga pasilidad na apektado ng DPWH project sa San Joaquin Road sa mga barangay ng Dalig at San Jose.
Mayroon rin namang relokasyon ng mga pasilidad sa Pan-Philippine Highway sa Barangay Milagrosa, Calamba City, Laguna na nakatakda sa Hulyo 14 hanggang 15.
Sa Hulyo 15 naman, inaasahang makakaranas ng pansamantalang pagkawala ng suplay ng kuryente ang San Jose del Monte City sa Bulacan, dahil sa line reconductoring at conversion ng mga pasilidad sa Kaypian Road sa Barangay Kaypian; gayundin ang Barangay Forbes Park, Makati City dahil sa pagpapalit ng nakahilig na poste sa Tamarind Road, South Forbes Park Subdivision.
Sa Hulyo 15 hanggang 16 naman, ay inaasahang maaapektuhan ang mga bayan ng Liliw, Nagcarlan, Pila at Sta. Cruz, sa Laguna, dahil sa preventive maintenance at testing works sa loob ng Meralco - Sta. Cruz substation, gayundin ang Quezon City dahil sa pagpapalit ng mga lumang poste ng kuryente sa Del Monte Avenue sa Barangay Paltok; at ang Makati City, na may nakakasa namang line reconstruction works sa Don Chino Roces Avenue sa Barangays Olympia at Tejeros.
Samantala, sa Hulyo 16 naman, inaasahang makakaranas ng power interruption ang Biñan City sa Laguna dahil sa upgrading of facilities sa Marawi Street, sa Barangay Sto. Tomas, at Barangay Tumana sa Marikina City dahil sa line reconductoring works sa Ampalaya Street.
Kaugnay nito, humihingi ang Meralco ng pang-unawa at paumanhin sa mga consumer nilang apektado ng kanilang mga isasagawang pagkukumpuni at ipinaliwanag na ito’y para naman sa higit pang ikahuhusay ng kanilang ipinagkakaloob na serbisyo sa mga mamamayan.
-Mary Ann Santiago