PINALAWIG ng Games and Amusement Board (GAB) ang deadline sa pagpaparehistro ng mga napasong lisensiya hanggang Agosto 15 bilang pagbibigay kaluwagan sa sitwasyong kinakaharap ng bawat Pilipino bunsod ng COVID-19 pandemic.

MITRA: Konting sakripisyo pa.

MITRA: Konting sakripisyo pa.

Sa memorandum na inilabas ng GAB na may petsang Hulyo 7 at nilagdaan nina Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra at Commissioners Ed Trinidad at Mar Masanguid, tatanggapin ang aplikasyon para sa renewal na walang nakapatong na penalty.

Hinihikayat ni Mitra ang lahat ng pro athletes at mga lisensiyadong indibidwal sa pangangasiwa ng professional sports agency ng bansa na ipa-renew ang kanilang mga lisensiya sa tanggapan ng GAB sa Makati City.

Mikee Cojuangco-Jaworski, chair ng Coordination Commission ng Brisbane 2032

“May health protocol lamang po tayong sinusunod at bukas lamang ang GAB office tuwing Martes at Huwebes dahil po sa ipinapatupad naming alternative work arrangement,” pahayag ni Mitra.

Ipinaalala rin ng dating Palawan Governor at Congressman na mahigpit na ipinapatupad ang pagsusuot ng face mask, temperature scanning, physical distancing, paggamit ng footbath at sanitizing sa mga kamay, gayundin ang pagsumite ng Health Declaration form.

“Kahit po may mga lugar nang ibinaba ang community quarantine kailangan pa rin po nating sumunod at panatilihin ang kalinisan para makaiwas sa hawaan. Kailangan natin manatiling healthy at safe para sa ating tuluyang pagbabalik sa trabaho.

“Inalis po namin ang penalty dahil alam naman po namin ang pinagdaan ng marami sa atin, lalo na ang mga fighters natin na ‘no fight, no pay’,” sambit ni Mitra,

Inamin ni Mitra na malaking halaga ng revenue ang nawala sa GAB bunsod ng pagkansela ng lahat ng pro sports event bunsod ng COVID-19, ngunit kumpiyansa siyang makakabawi ang ahensiya, higit ang mga atletang Pinoy sa unti-unting pagbabalik ng sports batay sa ‘new normal’ program ng pamahalaan.

Sa kasalukuyan, pinayagan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagbabalik ng horseracing sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) at pormal nang lalarga ang karera sa Hulyo 19, habang binigyan na rin ng go-signal ang pagbabalik sa ensayo ng mga players ng Philippine Basketball Association at Philippine Football League sa limitadong bilang depende sa kinalalagyan community quarantine.

May basbas na rin ang boxing sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine.

“Sa iba pong sports, antay-antay lang po tayo at kami po sa GAB ay tumutulong upang depensahan ang mga request ng mga sports league at organization sa IATF. Huwag lang po tayong magpumilit at kahit bawal ay lalarga tayo. Hindi lang ang mga pasaway bagkus ang buong sports at organization ang nadadamay,” pahayag ni Mitra patungkol sa ilegal na tupada na patuloy na nagaganap sa mga lalawigan.

Ipinarating ni Mitra na binawian na ng GAB ng lisensiya ang walong gaffer (mananari) na kabilang sa 49 indibwal na nahuli sa ilegal na tupad sa Batangas kamakailan.

-Edwin G. Rollon