Napatay ng isang amang dating miyembro ng Philippine Army (PA) ang umano’y abusadong anak nang mabaril niya ito sa kainitan ng kanilang pagtatalo sa Purok 1, Barangay Calimaturod, Cordon, Isabela, nitong Sabado ng umaga.
Kinilala ni Isabela Provincial Police Spokesperson Captain Francess Littaua, ang suspek na si Eusebio Agustin, 76, may-asaa, taga-nasabing lugar, na agad na sumuko sa pulisya matapos ang krimen.
Dead on the spot naman ang anak nito na si Nikko Jay Agustin, 29, taga-Centro 1, San Guillermo, Isabela, dahil sa tama ng shrapnel sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ayon sa mga imbestigador na sina Police Chief Master Sergeant at PCMS Franklin Alvarez, ang insidente ay naganap as bahay ng suspek, dakong 7:09 ng umaga.
Bago ang insidente, dumating ang biktima sa bahay ng ama, kasama ang isang kaibigan, upang kumuha ng sertipikasyon ng alagang baka ng kanyang ama.
Nang tumanggi, agad na kumuha ng sumpak ang biktima at itinutok sa ama.
Dahil dito, tinangkang agawin ng suspek ang baril at magpambuno ang mga ito hanggang sa pumutok ito kung saan tinamaan ang biktima.
Nagrereklamo naman nang ito ay sumuko sa pulisya.
“Nabenta na niya ang tatlo naming alagang hayop, at pang apat na ito kaya hindi na ako pumayag, saka nya ako tinutukan at papatayin,” sabi nito.
Nilinaw pa nito, handa sana niyang tulungan ang anak kung hihingi ng pera ngunit ang tanging pakay nito ay ang alaga niyang hayop.
-LIEZLE BASA IÑIGO