SA kabila ng pananalasa at pamiminsala ng COVID-19, tiniyak ng Department of Finance (DoF) sa publiko na may kakayahan ang Pilipinas na bayaran ang mga loan o utang ng Pilipinas sa iba’t ibang pandaigdig na financial institutions.
Pinawi ni Finance Sec. Carlos Dominguez sa ginanap na pre-State of the Nation Address (SONA) forum noong Hulyo 8, ang mga pangamba ng mamamayan na nalulubog ang pamahalaan sa utang bunsod ng krisis-pangkalusugan sa buong mundo.
Ganito ang pahayag ni Dominguez, pangunahing economic manager ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD): “Nais kong tiyakin sa inyo at sa sambayanang Pilipino na may kakayahan tayong umutang. Nangungutang tayo sa mababang rates at may kapasidad tayo na bayaran ang mga utang na ito sa hinaharap.”
Ipinaliwanag ni Dominguez na dinadamihan ng gobyerno ang pangungutang para pondohan ang lumalaking spending requirements dahil sa COVID-19 sa harap ng mahinang koleksiyon ng buwis at revenues.
Samantala, sinabi ng Pangulo na hindi dapat magmadali sa muling pagbubukas (reopening) ng ekonomiya o ng kompanya at establisimyento. Naniniwala si PRRD na lalong darami ang mga kaso ng pandemya at libu-libo ang magkakasakit na magreresulta sa lalong pagkakabaon ng PH sa kumunoy ng kahirapan.
Ganito ang pahayag ni Mano Digong sa wikang English sa Davao City noong Martes kasama ang mga miyembro ng gabinete: “If you open the entire Philippines and thousands upon thousands of new cases happen, then we are in deep s**t. It would really be difficult for us. First, we do not have money.”
Dagdag pa ni Pres. Rody: “Ang mga mahihirap na bansa tulad natin ay hindi kayang harapin ang total epidemic o pandemonium. Tayo ay mahirap at hindi nating kayang makipagsugal.” Binanggit ng Punong Ehekutibo ang situwasyon ng US na may pinakamaraming impeksiyon ng COVID-19 na mahigit sa 3 milyon, ang Brazil na may 1.67 milyon, at maging ang India at Espanya.
Habang sinusulat ko ito, nakapagtala na ang Department of Health (DoH) ng mahigit sa 50,000 kaso ng COVID-19 sa bansa. Ayon sa UP OCTA Research Group, posibleng umabot ang bilang ng mga kaso ng 65,000 sa pagtatapos ng Hulyo, at posibleng pumalo sa 100,000 sa Agosto.
Ayon sa DoH, ang biglang pagdami o paglobo ng mga positibo sa pandemya ay bunga ng tinatawag na “community transmission.” Sa press briefing, sinabi ni DoH Usec. Maria Rosario Vergeire na pinag-aralan nila ang mga factor o dahilan ng biglang pagdami ng COVID-19 cases.
By the way, si Quezon City Mayor Joy Belmonte ay tinamaan din ng COVID-19. Siya ay nag-self quarantine at mahigpit na sinusunod ang mga protocol ng DoH. May 1,000 tao, kabilang ang journalist na si Howie Severino, ang hinuli noong Miyerkoles dahil sa paglabag umano sa quarantine protocols.
Hinuli si Severino dahil umano sa pagkabigong isuot ang face mask. Ayon sa journalist, kasama niya ang dalawa pang siklista nang tumigil sila sa isang bakeshop sa may Mother Avenue, QC para uminom kung kaya tinanggal nila ang face mask.
Kung ganoon pala, hindi ko tatanggalin ang face mask na suot ko habang ako’y nagdya-jogwalk dito sa may lugar namin. Baka matiyempuhan ako ng mga alagad ng batas habang ako’y umiinom ng malamig na tubig na walang suot na maskara. Eh, puwede ka bang uminom ng tubig o drinks nang suot ang face mask? Aba naman!
-Bert de Guzman