Inihahanda na ng Public Attorney’s Office (PAO) ang pagsasampa pa ng kaso laban sa mga dating opisyal ng Department of Health (DOH) kaugnay ng pagkamatay sa dengue ng isang 13-anyos na babae nitong nakaraang buwan.
“Pang 154th ang autopsy kahapon. Siya ay pang-154 na biktima ng Dengvaxia,” pahayag kahapon ni PAO chief, Persida Acosta.
Aniya, sa kabila ng pagturok ng Dengvaxia vaccine kay Diana Diola, taga-San Jose del Monte, Bulacan, ay binawian pa rin ito ng buhay sa nasabing sakit habang nakaratay sa Jose B. Lingad Memorial General Hospital noong Hunyo 25 ng taon.
Ayon naman kay PAO forensics laboratory directror Erwin Erfe, nakumpleto ni Diola ang tatlong turok ng nasabing bakuna mula 2016 hanggang 2017, ayon na rin sa pamilya nito.
Binanggit naman ni Acosta na ito pa lamang ang unang kaso ng Dengvaxia na naitala nila mula nang maipatupad ang quarantine sa bansa noong Marso.
“Ipapa-file rin namin ang case na ito kasi very clear cut yung case at tsaka yung findings namin maliwanag,” sabi pa nito.
-Jeffrey Damicog