Aabot na sa 8,803 Pinoy mula as 64 bansa at rehiyon ang tinamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Sa report ng DFA, nasa 11 Pinoy ang bagong nadagdag sa mga nagpositibo ng virus sa America, Asia and the Pacific, at Europe batay sa natanggap na ulat mula sa Foreign Service Posts.
Habang 11 Pinoy naman ang naitalang bagong gumaling sa COVID-19 sa Asia and the Pacific, Europe, at Middle East at dalawang kababayan ang namatay sa naturang virus na naitala sa Africa.
Kinumpirma naman ng DFA na sa ngayon, umabot na sa kabuuang 5,265 Pinoy ang gumaling at nakalabas na sa health facilities kaya umakyat na sa halos 60 porsiyente ang naiulat na nakarekober sa sakit kumpara sa bilang na nagsimula ngayong buwan ng Hulyo.
Ang mga sumasailalim sa gamutan ay umabot naman sa 2,944 Pinoy habang nasa kabuuang 594 namatay na kababayan ang naitala sa iba’t ibang bansa at rehiyon sa buong mundo.
-Bella Gamotea