Umapela ang mga empleyado ng ABS-CBN sa pamamagitan ng kanilang pangulo kay Pangulong Duterte na pakiusapan ang mga kongresista na aprobahan na ang panukalang batas hinggil sa prangkisa nito. Ginawa niya ito sa kabila nitong huling pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang Pangulo ay neutral sa isyung ito. Ayon sa kanya, nasabi ng Pangulo na desisyon ito ng Kongreso. Kaya, sa press briefing nito kamakailan, winika ni Roque na dapat bumoto ang mga mambabatas ayon sa kanilang konsensiya. Ito rin ang ipinahayag ni Speaker Alan Cayetano at wala, aniyang, nag-i-impluwensiya sa kanila.
Pero, nasa wastong direksyon ang ginawa ng pangulo ng ABS-CBN Employees Union na kumakatawan sa 11,000 empleyadong mawawalan ng trabaho kung tuluyan nang ibasura ang panukalang batas ng prangkisa ng TV network. Hindi totoo ang sinabi ni Cayetano. Matagal na silang naimpluwensiyahan ng Pangulo. Bago pa lang pag-usapan ang prangkisa at bago pa lang itong mapaso, sinabi ng Pangulo na hindi na ito maaprobahan. Sinundan pa ito ng pagpayo sa mga Lopez na ibenta na ang ABS-CBN. Publikong inihayag niya ito sa galit niya sa network bilang pagpapakita na kontrolado niya ang Kongreso lalo na ang Mababang Kapulungan. Bakit nga ba hindi, eh nasa kanyang kamay ang pagpapanatili ni Cayetano bilang Speaker, na batay sa kanyang mga kilos at salita ay ayaw nang bitiwan ang posisyon. Ang Pangulo ang namagitan kina Cayetano at Cong. Lord Velasco para magkasundo hinggil sa term-sharing, ang paghatian nila ang tatlong taong termino ng pagiging Speaker. “Gentlemen’s agreement ito,” wika pa ng Pangulo.
Dahil ayaw nang tumupad ni Cayetano sa kasunduan, sunod-sunuran na siya sa Pangulo na siyang makapag-i-impluwensiya sa iba pang mambabatas para hayaan na si Cayetano na magtalusira. Sa isang banda, gumagawa naman ng paraan si Cong. Velasco para maipuwersa ang kasunduan. Isa na rito ay samahan ang anak ng Pangulo na si Cong. Paolo sa pagpapanukala na palitan ang pangalan ng Ninoy Aquino International Airport sa Paliparang Pambansa ng Pilipinas. Kaya, malayo pang magtapos ang prangkisa ng ABS-CBN, may mga nag-uudyok na kay Cayetano na ikalendaryo na ito sapagkat may mga renewal nang franchise ng ibang network ang nakalusot sa Kamara. Hindi natinag si Cayetano sa pag-uudyok sa kanya ng kapwa niya mambabatas, pangunahin na rito si Buhay Party List Rep. Lito Atienza. Pagkatapos mapalusot ang mga ibang prangkisa at mapaso na ang sa ABS-CBN, isinailalim naman ang panukala sa pagdinig ng Committee on Franchise at Good Governance na hindi ginawa sa iba.
Nagwakas na rin ang pinagsamang pagdinig at magbobotahan na ang mga mambabatas ng dalawang komite kung ipagpapatuloy pa ang pagtalakay ng magiging kapalaran ng franchise renewal ng ABS-CBN. Sa mga naganap na pagdinig, ipinamalas lamang ng mga mambabatas na sila ay hindi dapat sa Kongreso kundi sa karnabal. Kasi, nagpagalingan lamang sila tulad ng mga nagsisirkus.
-Ric Valmonte