Hinikayat ng isang senador ang Department of Education (DepEd )na magpatupad ng isang mabisang paraan upang maiwasang tumigil sa pag-aaral ang mga babaeng estudyante, lalo na ngayong nasa huling yugto na sa enrollment period ang bansa.
Inihayag ni Senador Win Gatchalian, sa karanasan ng bansa kapag may krisis, bumababa ang enrollment rate ng mga estudyanteng babae, tulad halimbawa ng nagdaang Asian financial crisis. Nuong tumama raw ito sa bansa taong 1998-1999, mas mataas ang ibinaba ng enrollment rate ng mga estudyanteng babae na walong porsiyento kung ikukumpara sa enrollment rate ng mga estudyanteng lalaki na pitong porsiyento.
Inihalimbawa rin ng mambabatas ang Ebola outbreak sa Sierra Leone, isang bansa sa West Africa, kung saan maraming mga babaeng nasa edad na 12-17 ang hindi nakapag enroll nang magbukas ang klase. Bukod sa nakaranas ng maagang pagbubuntis ang ilan at sexual abuse, sumabak naman sa child labor ang iba.
-Leonel Abasola