Habang sinusulat namin ang balitang ito ay hinihintay ang pagdating ng ina ni Kim Idol mula sa Bicol para desisyunan kung ihihinto na ang pagbibigay ng gamot sa anak dahil nagsabi ang doktor na brain dead na ang stand-up comedian.
Kuwento ng kaibigan ni Kim na si Briane Alejandria, “Brain dead na po si Kim (Idol), waiting na lang po ang mama niya na inaantay na lang po mag-decide kung stop na magbigay ng gamot. Mga kapatid po nasa hospital na.”
Huwebes nang madaling araw isinugod si Kim sa hospital dahil nakita itong walang malay.
“Mag-isa lang po siya sa kuwarto niya, pang-umaga po ang duty niya kaya sa gabi wala siya kasama sa room kasi pang gabi naman ang duty ng room mate niya. Base po sa kuwento ng doktor na nakakita, nakatawid pa si Kim ng pinto para humingi ng tulong kaso walang tao at ilang oras na siyang walang malay.”
Kaibigang doktor ni Briane ang nagdala kay Kim sa Manila Central University Hospital sa Caloocan City.
“Taong 2015 ay nakitang may brain arteriovenous malformation (AVM) si Kim. Sinabihan siya na anytime ay puwedeng umatake ang AVM niya. Kahit nagpe-perform pa siya sa stage. Actually, nu’ng 2015 pinapa-stop na siya mag-work sa Zirkoh and Klownz.
“Pero sinabi ni Kim sa doctor: ‘I’d rather die on stage than die on my bed.’ yan ang eksaktong sagot nya sa doctor. Since 2015, Kim is literally ‘a walking time bomb’ nagkataon lang na sa duty sya inabutan,” kuwento ni Briane.
Kapag sinusumpong ng migraine si Kim ay kailangan niyang magpadoktor, pero nitong mga nakaraang araw ay sinusumpong siya pero hindi niya nagawang magpa-check up.
“Ilang araw na sigurong nagbi-bleed ang brain nya, hindi naagapan,” sambit pa ni Briane.
Lagi naman naming nakaka-chat si Kim pero nitong mga huling araw ay hindi na at binabasa na lang namin ang mga post niya sa Facebook.
At nitong Hulyo 6 ay nag-post siya na “nagkaka-migraine ako sa panonood ng hearing sa franchise.”
Huling post niya ay nitong Hulyo 7 na kinunan niya ang langit na sobrang maaliwas at nahagip ang gilid ng Philippine Arena.
Si Kim ay aktibong miyembro ng Iglesia ni Cristo kaya naman nu’ng sabihan siya nitong Hunyo na sa Philippine Arena siya maa-assign bilang marshall para sa mga naka-quarantine na positibo sa COVID-19 ay masaya siya dahil nakakapaglinggkod daw siya.
Mayo nang magsimula si Kim sa bago niyang trabaho bilang encoder at marshall.
Ang sabi sa amin ni Kim noon, “kinuha ako nu’ng doctor na friend ng friend ko. Ngayon nag e-encode ako sa opisina nila dito sa Port Area ng mga health declaration card (‘yung dilaw na coupon na pinipirmahan natin sa airplane). I applied for it. I was deployed the other day but was pulled out. While waiting for deployment, I’m doing some errands here in Bureau of Quarantine.
“Waiting po ako ulit na ma-deploy sa hotel, pero if ako po ang masusunod, mas preferred ko na mag-encode na lang kasi mas safe kesa sa humalibilo sa mga repatriates na naka-quarantine sa hotel kasi puwede pong me mag positive sa kanila.
“Pahinga na muna ang aking entertainer alter ego na si Kim Idol habang idle pa ang entertainment business, normal na buhay muna as a government employee with my real identity Michael Argente! #AdjustingToTheNewNormal!”
At nang malipat na nga siya sa Philippine Arena ay naka-todong PPE (personal protective equipment) siya at laging nanalangin na lagi siyang maging ligtas.
Samantala, base sa mga post ng mga huling nakausap ni Kim ay may naramdaman na silang kakaiba na hindi nila mawari.
Kuwento ni Cristina Alejandria, “bago siya mag-duty pinuntahan nya ako sa bahay ng gab.i Sinabi nya na inayos na nya lahat dapat ayusin pinirmahan na nya lahat ng documents para sa hazard pay ako na lang at bahay ang susunod nya tapos nagpaalam na siya na du-duty na sya.
“Nagkuwento pa ‘yung kapitbahay namin ‘yung dating tinitirhan nya nakita niya si Kim na babay lang ng babay sa kanya akala niya binibiro lang sya kasi di naman nagsasalita.”
Ilan lang ito sa mga nabasa namin sa kanyang Facebook page.
-REGGEE BONOAN