KUNG noo’y pilit pinalalaro sa labas ang mga bata para maagaw ang atensyon sa telebisyon at computer game, hindi na ngayon.

Bunsod ng ipinatutupad na community quarantine dulot ng COVID-19 pandemic, walang dahilan upang pigilan ang mga bata sa harap ng computer o gadget, higit ang lahat, maging ang edukasyon at sports ay nakabatay sa kasalukuyan sa internet connection.

Sa ngayon, isama ang youth football na kumakapit sa modernong teknolohiya para mapanatili ang hilig ng kabataang Pinoy sa sports.

“We have no choice. With the current situation, the best way to avoid the virus is to stay home. Pero hindi dahil nasa bahay lang ang mga bata, hindi na nila maipagpapatuloy ang kanilang hilig. Kaya kami, joined na rin sa E-games. Basketball and tennis and other sports used this new platform and successful naman sila,” pahayag ni Youth Football League president Mike Atayde sa ‘Usapang Sports’ ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) nitong Huwebes via Zoom at livestreaming ng Sports on Air sa YouTube at Facebook.

Mikee Cojuangco-Jaworski, chair ng Coordination Commission ng Brisbane 2032

Ayon kay Atayde, ilulunsad nila ang Youth Football e-games sa Agosto upang masustinihan ang kagustuhan ng kabataan na mag-excell sa sports kahit nakatambay lamang ang lahat sa kani-kanilang tahanan.

“Indeed, we are all affected by this COVID-19 pandemic, pero hindi ito dahilan para huminto tayo. Our youth, kahit mga matatanda kailangan laging malusog ang pangangatawan. Staying fit and ready in case na magbalik na sa normal ang lahat, ito ang importante.

“Kaya naisip naming gamitin ang on-line platform. Effective naman ito sa ibang sports at very successful ang basketball when FIBA introduce E-sports,” ayon kay Atayde sa lingguhang sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC) at PAGCOR.

Bukod sa football e-games, sinabi ni Atayde na ang internet na rin ang mabisang sandata para mapataas ang kalidad ng edukasyon ng mga trainer at coaches.

“May mga seminars and training program din kami na ginawa sa ating mga coaches at trainors. Paraan naming ito para mapanatili ang kalidada ta level of competence sa coaching. In fact, yung iba nagagamit din ito para maging source kahit papaano ng income. Marami rin tayong football coach at trainors sa mga probinsiya ang naapektuhan ng pandemic,” sambit ni Atayde.

Aniya gumawa na rin sila ng paraan para mahatiran ng ayuda ang mga kasamahan sa mga lalawigan.

Sa ngayon, iginiit ni Atayde na buhay ang football at maraming kabataan ang patuloy na pumapalaot sa sports.

“Bago ang lockdown, marami kaming team sa programa namin. Marami pa rin ang naniniwala na isa ang football sa sports na fit para sa Pinoy,” aniya.

Sa isyu ng bagong management ng Ceres sa professional Philippine Football League (PFL), sinabi ni Atayde na hindi apektado ang kanilang pamamalakad sa youth program ng koponan.

“Yung pro team lang ng Ceres ang apektado diyan, kami tuloy lang sa youth development program,” aniya.

-Annie Abad