Anumang araw simula kahapon ay nakatakdang isailalim sa swab testing ang natitirang 211 babaeng Person Deprived of Liberty (PDL) na nakakulong mula sa female dormitory ng Pasay City Jail.
Ito ang kinumpirma ni Pasay Mayor Emi Calixto-Rubiano sa mga mamamahayag ng Southern Metro Press Club (SMPC), ang dating Progressive Tri-Media of Southern Metro (PTMSM).
“The remaining 211 female PDLs are schedule to undergo swab test soon,” pahayag nito.
Ayon kay Pasay City Jail, Supt. Editha Balansay, nasa kabuuang 340 PDLs ang nakakulong sa female dormitory .
Noong Hunyo 24, isang babaeng PDL ang nakatakdang palayain at i-turn over sana sa kanyang barangay matapos sumailalim sa swab test bilang bahagi ng protocol.
Gayunman, natukoy sa kanyang resulta na nagpositibo siya sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), subalit asymptomatic.
Agad siyang kinuha ng Pasay City Health Office at dinala sa Cuneta Astrodome para sa 14-day quarantine.
Dahil dito, hiniling ni Balansay sa alkalde na isailalim sa swab testing ang 340 babaeng PDLs sa nasabing piitan kung saan sumalang ang unang grupo na 129 PDLs noong Hulyo 3 kung saan siyam ang nagpositibo.
-Bella Gamotea