Aminado si Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi lamang ang pagtaas ng kanilang testing capacity ang pangunahing dahilan nang patuloy na pagtaas ng naitatalang coronavirus disease 2019 (COVID-19) cases sa Metro Manila, kundi ang pagkakaroon na rin ng community transmission sa rehiyon.

Sa isang virtual presser, sinabi ni Vergeire na nagsimula ang community transmission nang magsimula na ang pagluwag ng community restrictions sa bansa.

“Maaaring ang pagtaas ng mga kaso sa Metro Manila ay dahil sa increased testing capacity and community transmission na ating nararanasan nang simulan natin ang pag-ease ng community restrictions,” ayon kay Vergeire.

“And also, there is really community transmission. This is not just because we are testing more, but this is really a result of community transmission,” aniya.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Babala pa niya, lalo pang iigting ang community transmission kung magpapabaya ang mga mamamayan at hindi susunod sa ipinatutupad na health at safety protocols ng pamahalaan.

“Lalong napapa-igting ang community transmission kung lax o hindi natin sinusunod ang minimum public health standards,” pahayag ng opisyal.

Binigyang-diin pa nito, malaki ang maitutulong ng pagtalima sa health protocols upang makaiwas sa COVID-19 infections ang mga mamamayan.

Muli rin niyang pinaalalahanan ang mga mamamayan na palagiang magsuot ng face masks, mag-praktis ng safe physical distancing, at obserbahan ang home quarantine measures habang naghihintay ng kanilang COVID-19 swab test results.

“It may sound repetitive but we will not stop reminding everyone to wear masks, observe physical distancing, sanitize. This is DOH’s call to everybody, whether you be in the private or public sector,” aniya pa.

Sa pinakahuling datos ng DOH nitong Miyerkules ng gabi, pumalo na sa 50,359 ang nagpositibing indibidwal sa COVID-19 matapos na madagdagan pa ng 2,539 kaso, kamakalawa.

-Mary Ann Santiago