SA kabila ng pagmerkulyo ng samahan ng mga local coaches sa bansa, mananatiling coach ng National basketball team Gilas Pilipinas ang kontrobersyal na American mentor na si Tab Baldwin.
Sinabi ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) Executive Director Sonny Barrios na si Baldwin pa rin ang siyang responsable sa paghahanda national team para sa pagsabak nito sa 2023 FIBA World Cup kung saan kasamang magiging host ng Pilipinas ang mga bansang Japan at Indonesia.
Ayon kay Barrios wala pa naman umanong dahilan ang SBP na tanggalin sa kanyang posisyon si Baldwin sa kabila ng kanyang pagsasalita ng taliwas sa hakbang ng tropa ng Gilas para sa pghahanda ng koponan, gayundin sa isyu ng ‘racial discrimination’ sa local coaches.
“Sa ngayon wala naman not unless magsasalita ulit siya ng wala sa lugar,” pahayag ni Barrios.
Gayunman ay nakatakda naman umanong kausapin ni SBP President Al S. Panlilio si Baldwin sa pamamagitan video conference kasama ang pamunuan ng nasabing samahan upang pag-usapan ang programa ng Gilas.
“In any given situation, nobody has a lock on position, not me, not Butch, not anybody. As they always say, we serve at the pleasure of the president,” ani Barrios.
Pinatawan ng multa si Baldwin ng halagang P75,000 ng PBA at suspindido ng tatlong laro bilang assistant coach ng TnT Katropa matapos maliitin sa isang panayam sa online programa ang kakayahan ng mga Pinoy coaches.
“Mr. Panlilio said the opinions that Tab Baldwin expressed were his personal ones, they were not aligned with the position of the SBP and certainly, not aligned with the personal opinion of president Al Panlilio,” sambit ni Barrios.
-Annie Abad