Nananawagan ang Philippine General Hospital (PGH) sa mga survivor ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na mag-donate ng convalescent plasma upang makatulong sa posibleng paggaling ng mga pasyenteng dinapuan ng virus.
Ang panawagan ay ginawa ni PGH Spokesperson Dr. Jonas del Rosario, kasunod na rin ng kakulangan na aniya ng suplay nito ng PGH, na isa sa mga idineklarang referral facilities ng pamahalaan para sa COVID-19 cases.
Ayon kay del Rosario, nagsasagawa sila ng clinical trial para sa convalescent plasma bilang panlunas laban sa COVID-19 ngunit sa ngayon aniya ay wala na silang convalescent plasma dahil wala nang survivors na nagdo-donate nito.
“Unfortunately, wala na po kaming convalescent plasma kasi wala na pong nagdo-donate. So nananawagan po kami,” aniya, sa panayam sa radyo.
“Sa dami po ng survivors na nakikita ko sa Department of Health (data), naiisip ko nasaan po sila… Sana po mag-donate po kayo dahil malaking tulong po sa ating mga kababayan na may COVID-19,” panawagan pa ni del Rosario.
Aminado naman si del Rosario na may ilang survivors ang ayaw nang bumalik pa sa pagamutan dahil sa pangambang dapuan ulit ng SARS-COV-2, na siyang nagdudulot ng COVID-19.
Ngunit paglilinaw niya, walang dapat na ikatakot ang mga ito dahil ang blood donation naman ay isinasagawa sa isang pribadong lugar at hindi sa mismong pagamutan.
Ani del Rosario, ang mga nais na mag-donate ng plasma ay maaaring kumontak sa PGH, sa pamamagitan ng kanilang hotline na 155-200.
Kasabay nito, iniulat rin ni del Rosario na karamihan sa 30 pasyente ng COVID-19 na nasa malala at kritikal na kondisyon dahil
sa virus at tumanggap ng convalescent plasma ay nakitaan nila ng paghusay ng kalagayan.
Aniya pa, habang ipinagpapatuloy nila ang trial sa paggamit ng plasma ay unti-unti na rin nila itong ibibigay sa mga pasyenteng itinuturing na nasa moderate cases dahil inaasahang mas magiging maganda ang resulta nito kung mas maaga itong maibibigay sa mga pasyente.
“Hindi po masyado maganda ang result ng convalescent plasma sa mga critical case. Mas maganda na maaga ito maibigay,” sabi pa nito.
-Mary Ann Santiago