“ANG mga kababayan nating ito, matagal nang nagsisilbi bilang empleyado ng pamahalaan pero hanggang ngayon ‘slightly used’ pa rin ang mga utak!”
Napangiti ako nang marinig ang mga katagang ito mula sa umpukan – naka social distancing naman sila – ng mga tricycle boy at vendor na nagmi-miryenda sa karinderiya sa isang commercial district sa Quezon City.
Tuluyan na akong napahagalpak nang dugtungan pa ito ng isang medyo may edad na sa grupo ng ganito: “Kaya nga ‘pag tumama ako sa Lotto at uso na ang brains surgery, ang bibilhin kong pamalit sa utak ko ay ang mga ‘slightly used’ na ‘yan at gagamitin ko ng todo para tumalino ako!”
Nakiloko ako sa kanilang usapan kaya napag-alaman ko na ang pinagpipiyestahan pala ng mga tricycle boy ay ang panghuhuli ng ilang tauhan ng barangay at pulis sa Quezon City kay Howie Severino, ang LODI raw nilang broadcaster ng GMA7.
Dapat daw ay ginagamit ng mga pulis at tauhan ng barangay ang kanilang mga “sentido kumon” bago hinuli at dinala sa Amoranto Stadium si Howie, upang dumalo at makinig sa seminar para sa tamang paggamit ng face mask sa pampublikong mga lugar.
Si Howie, kasama ang dalawa niyang “bambike” buddies na sina a Chris Linag at Jilson Tiu ay saglit na tumigil sa harapan ng isang bike shop sa Mother Ignacia Ave., bumili ng maiinom sa isang tindahan at nagbaba saglit ng kanilang mask para inumin ito.
Kuwento ni Howie: “We were all wearing masks. We bought drinks at the store next door, and drank them after pulling down our masks below the mouth (because we have not learned to drink yet with masks on). We were all outdoors where the risk of infection is much lower than indoors and maintained at least four feet distance from each other. I had just finished my drink and returned the bottle to the store before I could pull my mask back up, when at least three vehicles of QC law enforcers arrived to tell me I was talking without my mask covering my mouth and had to be brought to Amoranto Stadium for a seminar. They allowed me to bring my bike and we loaded it into the vehicle that brought me to the stadium where hundreds of people rounded up were already there.”
Dagdag pa niya: I explained to a group of QC employees there that as a recovered patient who had already tested negative three times for the coronavirus and positive for antibodies since my discharge from the hospital, the risk of me infecting anyone is near zero. Nevertheless I still wear a mask.”
Nagboluntaryo pa nga si Howie sa mga opisyales sa seminar na magsalita ng libre para makapagbigay ng pointers sa mga taong nahuli hinggil sa tamang pag-iingat laban sa COVID-19 – may K naman siya bilang isang survivor at una sa mga nagbigay ng ‘plasma’ para sa pag-aaral kung paano malulunasan ang virus na ito – ngunit pinauwi na lamang siya ng mga ito!
Ang may pang-uuyam na sabi naman ng isang sidewalk vendor na nasabak na rin daw sa ganitong sitwasyon: “Sana turuan tayo ng mga pulis at barangay official kung paano iinom sa bote o baso na hindi tinatanggal ang face mask…Esep-esep din kung minsan mga koyang!”
Tiyempo namang naroon din ang matinik na photojournalist na si Luis Liwanag – isang biker din -- na pinitikan ang pangyayari, kaya agad itong nai-post sa Facebook at umani ng iba’t ibang reaksyon sa netizen, na karamihan ay tinutuligsa ang mga pulis at barangay official sa lugar.
Daan-daan ang nahuling “violators” na buong pagmamalaking iniharap sa ilang mamamahayag ng mga barangay official at pulis na nakatalaga sa lugar na may pakana sa naturang seminar. Karamihan sa mga ito ay walang face mask at may iba namang walang saplot na pang-itaas at magkakadikit na nagkukuwentuhan sa kalsada at mga iskinita.
Yun lang, maraming naka-post sa social media -- mga larawan at shoutout ng netizen -- na nagpapakita na sa mismong operasyon nang pagpapatupad ng batas laban sa COVID-19, mismong itong mga opisyales na nanghuhuli ang numero unong “violators” ng batas na ipinatutupad nila.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.