Inihayag ng Department of Science and Technology (DoST) na malaki ang posibilidad na maibibigay nang libre ang bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang inihayag ni DoST-Philippine Council for Health Research and Development Executive Director Dr. Jaime Montoya, kasabay ng paniniguro na magkakaroon ng suplay ng bakuna laban sa nabanggit na virus.
“Unang-una, tayo po ay nag-commit na sa Solidarity Trial na gagawin ng WHO (World Health Organization). So, sa pagkakaalam po namin, ang bakuna ay malamang ibibigay nang walang bayad,” paglalahad ni Montoya.
Nilinaw ni Montoya, posibleng sagutin ng DoST at Department of Health ang iba pang gastusin upang magbigay ang bakuna sa mga komunidad.
Isa ang Pilipinas sa mga bansang nakiisa sa global clinical trial na naghahanap ng bakuna laban sa virus. Ani Montoya, makasisigurong magkakaroon ng access sa bakuna ang bansa, maging ang pagkakaroon ng “a shorter and easier route in registration with the Philippine Food and Drugs Administration.”
-Beth Camia