APRUBADO na rin at makababalik na sa kanilang kabuhayan ang professional boxing at horseracing, gayundin ang mga lisensiyadong individual sa industriya mula sa Games and Amusement Board (GAB), habang inaasahan na lalawak pa ang mga sports na posibleng payagan sa mga susunod na araw sa mga lugar na pinapatupad ang mas pinagaan na General Community Quarantine.

MITRA: Sakripisyo po tayo para ‘di maapektuhan ang buong organisasyon.

MITRA: Sakripisyo po tayo para ‘di maapektuhan ang buong organisasyon.

Matapos ang paglilinaw ng GAB sa mga naunang pahayag ng Inter-Agency Task Force, kinatigan ang naunang desisyon nina DILG Secretary Eduardo Ano at DOLE chief Silvestre Bello ang ‘go-signal’ sa boxing batay sa ipinapatupad na health protocol.

“Aprubado na rin po ang pagbiyahe ng ating mga boxers para makalaban sa abroad. Ipinaliwanag naman namin na tulad ng mga OFW (Overseas Filipino Workers) kabuhayan ang nakataya sa ating mga boxers sa paglaban sa ring lalo na sa abroad,” pahayag ni Games and Amusement Board (GAB) Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra kahapon sa ‘Usapang Sports’ ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) via zoom at livestreaming ng Sports on Air sa YouTube at Facebook.

Mikee Cojuangco-Jaworski, chair ng Coordination Commission ng Brisbane 2032

“For more than three months, talagang kawawa ang ating mga boksingero. No fight, No pay ang mga ‘yan. Pareho namang ite-test ang magkalabang boxers, at papayagan lamang ang laban after lumabas ang resulta ng COVID-19 test,” ayon kay Mitra.

Sa panig ng horseracing, opisyal nang magbabalik ang industriya sa Hulyo 19 sa Manila Turf.

“Actually talagang sakripisyo ang industriya ng karera, patalo itong mangyayari sa Metro Turf dahil hindi pa rin pinapayagan ang mga OTB ( Off- Track Betting) na pinagmumulan nang pondo ng karera. Pero, atleast napayagan na tiyaga lang tayo,” pahayag ni Mitra.

Batay sa health protocol, ipinagbabawal ang Inter-Island boxing promotions at nililimitahan lamang sa 10 ang manonood sakaling ang lugar na pagdarausan ay nasa ilalin ng ECQ.

“I’m calling and pleading with our boxing promoters, matchmakers at organizers. Mga kaibigan natin silang lahat, huwag muna tayong dumayo. Pinayagan na tayo, stay put lang. Kung sa GenSan, mga taga-GenSan lang ang maglalaban, bawal ang mula sa Davao o anumang panig ng bansa,” sambit ni Mitra sa programa na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC) at PAGCOR.

Nilinaw naman ni Mitra na nakabinbin na rin ang request ng Mixed Martial Arts, gayundin ng iba pang contact sports para sa kanilang pagbabalik.

“Nagpapasalamat tayo ay unti- unti pinapayagan na tayo magbalik sa ‘new normal’. Yung talagang rules before ay ‘No vaccine, No sports’, kaya bantayan natin ito at agad na ireport yung mga abusado para naman hindi maapektuhan ang buong organisasyon,” sambit ni Mitra, patungkol sa sabong na tila nahihirapan sa planong makabalik bunsod ng serye ng mga ilegal na tupada na nagaganap sa bansa.

“Actually, yung walong gaffer (mananari) na kabilang sa 49 na nahuli sa illegal na tupada na Batangas, recently, ay binawian na namin ng lisensya. Konting tiis po sa ating mga kaibigan sa sabong para naman hindi maapektuhan ang buong industriya,” an”ya.

Inaasahang mas maraming sports organization na rin ang mapapayagan dahil sa mas pinalawak na Joint Administrative Order (JAO) na isusumite ng GAB-PSC at DOH sa IATF Technical Working Group.

“Yung MPBL, PVL at Superliga, SBP parang nagkukumpara bakit daw sila ay hindi isinama sa JAP. Tanging PBA at Football League lang. Ang tanong ko sa kanila, sanctioned ba kayo ng GAB? Nagsumite ba kayo ng request sa amin? Siyembre hindi namin kayo dedepensahan dahil hindi naman kayo under jurisdiction ng ahensiya,” pahayag ni Mitra.

Nakatakda ang pagpupulong ngayon ng GAB sa IATF kasama ang iba’t ibang sports organization tulad ng MPBL, PVL, Superliga, Philippine Volleyball Fderation (PVF) at collegiate league NCAA at UAAP.

-Edwin Rollon