“May tatlong sandata para labanan ang virus: community quarantine, testing at contact tracing. Ang pinakamahirap ay ang contact tracing. At iyan ang kulang sa Cebu dahil hindi namin alam kung nasaan ang target,” wika ni Environment Secretary Roy Cimatu. Si Cimatu ay retrired military general na hinirang ni Pangulong Duterte bilang kalihim ng Department of Environment and National Resources, at ngayon ay ipinadala sa Cebu upang pamahalaan ang pagkontrol ng pagkalat ng COVID-19 na lumaganap sa siyudad. May ilang linggo na rin siyang nasa Cebu nang kunin niya ang serbisyo ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong para tulungan siyang mag-organisa ng grupo na gaganap ng contact tracing. Aalamin nito ang mga taong nakasalamuha ng mga dinapuan ng sakit na ayon kay Cimatu alang pinakamahirap na bahagi ng paglaban dito.
Hindi tulad ni Cimatu na mga sundalo ang kasama niya, sa pagtungo ni Mayor Magalong sa Cebu, kasama nito ang anim na staff members. Ang dalawa rito ay kasapi ng City Hall information technology division na magtuturo sa contract-tracing team ng Cebu local government sa loob ng dalawang linggo gamit ang digital surveillance system na susubaybay sa mga pasyenta kahit na sila ay gumaling na. Ayon kay Magalong ang contact-tracing team ay dapat binubuo ng doctor, nurse, health worker at police investigator.
Ang kapansin-pansin na sa paglutas ng problema ng bansa sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ay hindi lapat ang ipinanglulunas. Wala itong pakialam, kung anong uri ang problemang ito. Tingnan ninyo. Ang COVID-19 ay problemang pangkalusugan, pero ang nasa frontline ng paglaban dito ay mga sundalo at pulis. Mistulang nasa ilalim ng militarisasyon ang bansa at ang taumbayan ay naka-house arrest. Mga aspeto ng pagbaka sa salot at magpapagaan sa buhay ng mamamayan ay nasa kamay ng mga sundalo. Si retired General Galvez ang nagpapairal ng programa. Retired general din ang namamahala ng ayuda. Nasa background lamang ang Secretary of Health na si Duque. Ang napakalaking problema, walang programa ang gobyerno nang ito ay mag-lockdown. Trial and error ang paglalapat ng lunas sa mga nagsulputang problema na halos malunod ang gobyerno ng mga hinaing ng mamamayan lalo na ang mga dukha. Umaksyon man ay huli na, malaking pinsala na ang nagawa ng problema.
Ang panagot ng gobyerno sa mga taong hindi na matiis ang kahirapan at kawalan ng katarungan dulot ng mga remedyo sa pagkalat ng sakit ay takutin at patahimikin sila. Wika ni Security Adviser Esperon: Walang dapat ikatakot ang taumbayan sa anti-terrorism law kung mananahimik sila. Animo’y ang batas na ito ay panglunas din sa COVID-19
-Ric Valmonte