ISANG mahalagang panuntunan sa desisyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) para payagan ang pagbabalik ng mga liga at sports organization event ang pagkakaroon ng ahensiya ng pamahalaan sa sasagot sa sandaling magkaroon ng isyu batay sa health protocol na ipinatutupad para sa paglaban sa COVID-19 pandemic.

Sa isinusulong na ‘new normal’ ilang sports activities na rin (non-contact) ang pinayagan na magbalik bilang ensayo at ehersisyo tulad ng walking, running, cycling at swimming.
Kamakailan, matapos ang isinagawang pagdinig sa Joint Administrative Order (JOA) na isinumite ng Games and Amusement Board (GAB), Philippine Sports Commission (PSC) at Department of Health (DOH), pinayagan ng IATF Technical Working Group ang kahilingan ng Philippine Basketball Association (PBA) at Philippine Football League (PFL) para sa ensayo, ngunit sa limitadong bilang batay sa klase ng community quarantine ng lugar na kinalalagyan.
Hinihintay pa ng GAB ang opisyal na memorandum para sa boxing na nauna na ring sinang-ayunan ng IATF, ayon kay GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra.
Sa kaso ng Maharlika Pilipinas Basketball League, Premier Volleyball League at Philippine Superliga, walang direktang ahensiya ng pamahalaan na posibleng sumagot sa kanilang katayuan bunsod nang pagiging semi-pro.
“The DOH asked us before we were given approval ‘what’s our control?’ Since it concerns health, there should be someone accountable. Now if GAB is there, we will be accountable to the DOH and IATF if there will be contamination or transmission in the process,” pahayag ni Mitra sa panayam ng Radyo 5.
“MPBL wanted to practice, to start their league. But who will watch them? Of course, the local government unit will be there. But still a national agency should regulate and make sure minimum health protocols are in place,” aniya.
Naunsiyami ang nakatakda sanang division playoff sa MPBL sa pagitan ng San Juan at Makati (North) at Davao Occidental at Basilan (South) bunsod ng COVID-19, habang hindi na rin naipagpatuloy ang season ng PVL at Superliga.
Ayon kay Mitra wala sa ilalim ng hurisdiksiyon ng GAB ang MPBL, PVL at PSL dahil sa status nito.
“We have reached out to them. You know, they don’t want to admit they’re pros, which is sad because according to (PSC) chairman (Butch) Ramirez, as long as you are paid and do not play for flag, then you’re a professional and so they should be under the government through GAB,” pahayag ni Mitra.
Batay sa format ng MPBL, magkasangga ang pribadong kompanya at LGU sa bawat koponan, habang ang PVL ay sinasabing school-based, sakabila ng ibinibidang kumpanya sa mga koponan, at ang Superliga ay corporate-based league. May mga kontrata ang mga players at tumatanggap ng buwanang sahod, gayundin, may tiket sales din sa bawat venue ng laro.
Ayon kay PVL organizer Sports Vision president Ricky Palou, nananatiling school-based at amateur league ang PVL kung kaya regulatory body na sinusunod nila ay ang Philippine Sports Commission. Wala namang tugon ang PSC hingil dito.
“We will write the PSC a letter to help us in our request to the IATF,” pahayag ni Palou.
-Marivic Awitan