HINDI pa man nakararanas ng aktuwal na laro sa PBA, nakatikim na nang multa sa halagang P20,000 ang rookie na si Adrian Wong ng koponang Rain or Shine.
Kasama ang beteranong si Japeth Aguilar ng Barangay Ginebra, pinatawan ng multa ng PBA Commissioner’s Office ang dalawa at inatasan ding pumailalim sa swab tests at 30 oras ng community service.
Inilabas ang desisyon matapos ang pakikipagpulong ng dalawa kay PBA Commissioner Willie Marcial nitong Lunes kaugnay sa lumabas na viral video kung saan nakipaglaro sila ng 5-on-5 game sa Ronac Gym sa San Juan City.
Ang paglalaro ng 5-on-5 basketball ay hindi pinahihintulutan ng Inter-agency Task Force sa mga lugar na nasa ilalim pa ng modified community quarantine.
Tanging ensayo na may limitadong bilang ng player ang pinayagan ng IATF para sa pagbabalik ng PBA at Philippine Football League, habang wala pang go-signal para sa mga amateur sports.
“Dapat kasi maging modelo din sila lalo na sa kabataan,” pahayag ni Marcial.
Ang video na kumalat sa social media, ay nagpapakitang may mga collegiate standouts na kasama sina Aguilar kabilang na ang Japan-bound na si Thirdy Ravena.
Lahat naman ng nasa video na nakausap na ni Marcial ay pawang humingi na ng paumanhin sa kanilang paglabag na ginawa. Bahagi ang grupo ng True Focus basketball.
-Marivic Awitan