DALAWANG linggo matapos maghain ng reklamo kontra sa pamunuan ng Philippine Taekwondo Association dahil sa diumano’y mapang-abusong gawain ng ilang opisyal nito, isinakdal sa salang libelo ni 2-time Olympian Donnie Geisler si PTA Secretary-General Rocky Samson.
Ang P1.5-milyong demanda ay inihain sa Paranaque Prosecutor’s Office nitong Lunes at nag-aakusa kay Samson ng paggawa ng mali at mapanirang pahayag sa isang istasyon ng radyo nitong Hunyo 23.
Sa ginawang panayam na ini-upload sa Facebook, inakusahan umano ng PTA official si Geisler na pinapaniwala ng huli ang mga national taekwondo jins na sina Samuel Morrison at Arven Alcantara na ang kanilang guest appearance sa online webinar nito ay isa lamang meet-and-greet session.
“The statements made it show that I used the athletes or national team members to teach which in fact wasn’t true because when I invited them, it was just purely to inspire the kids. They just shared a few techniques and we had a few Q&A, it was very nice,” ani Geisler. “The athletes knew what they were going to do.”
Base umano sa pahayag ni Samson ay nagpapakitang isang sinungaling na tao si Geisler na nakasira sa reputasyon nito at nakaapekto sa kanyang pagiging Taekwondo instructor na nagresulta sa pagbaba ng bilang ng kanilang enrolled students.
“My name is always being dragged down and this time we want to stand up and fight. I don’t want my reputation to be lost because of some statements made and we want to correct it,” ayon kay Geisler.
Nakahanda naman umanong makipag usap si Geisler kay Samson sa labas ng korte.
Samantala, sa isang panayam kay Samson sa CNN Philippines, nagtataka umano ito sa naging alegasyon sa kanya ni Geisler at iginiit nitong walang masamang dugo sa pagitan nila ng dating Olympian.
-Marivic Awitan