MABUBUWAG?

Ni Edwin Rollon

MALABO pa nga sa tubig sa ilog Pasig na makumpleto ang naunsiyaming National Final ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) ngayong taon, posible pang mabawasan ang miyembrong koponan sa ika-4 na season ng liga sa susunod na taon.

Ayon sa isang team owner mula sa South, lubhang napilayan ang mga koponan hingil sa hindi inaasahang epekto ng coronavirus (COVID-19) pandemic. Mahigit tatlong buwan ding nagsara ang mga negosyo dahil sa ipinatupad na community quarantine at magpahanggang ngayon ay hindi pa pinahihintulutan ang anumang uri ng contact sports.

Human-Interest

Pambato ng Pilipinas sa research competition sa Taiwan, waging first place

DUREMDEZ

DUREMDEZ

“Mabigat ang nangyaring lockdown sa mga kompanya at local government dahil sa COVID-19. Hindi na namin kakayanin na magpatakbo pa ng koponan sakaling magbukas uli ang liga sa susunod na taon,” pahayag ng team owner na tumangging magpabanggit ng pangalan.

Batay sa format ng liga, may ayuda sa mga koponan ang kani-kanilang local government unit (LGUs) at ang naganap na pandemic ay dagok sa kaban nang mga municipal, panlalawigan at city government dahil sa ibinigay na tulong sa kani-kanilang mga nasasakupang residente.

“Dahil sa nahinto rin ang mga negosyo sa nakalipas na tatlong buwan, halos wala na ring pumasok na pondo mula sa buwis sa mga LGUs. Mahihirapan na kaming mag-maintain ng koponan,” aniya.

Batay sa panuntunan ng MPBL – isang home and away format na liga -- ang pinakamataas na suweldo ng isang player ay P50,000.

Kinansela ni MPBL Commissioner Kenneth Duremdez ang division title playoffs matapos pumutok ang COVID-19 nitong Marso. Kapwa nasa deciding Game 3 ang playoff sa pagitan ng San Juan City at Makati City (North Division) at ang duwelo sa pagitan ng Davao Occidental at Basilan (South Division). Ang magwawagi ay magtutuos sa National Finals.

Ayon sa naturang opisyal, ipinaalam na nila kay Duremdez ang kanilang katayuan at plano. Nangako umano ang dating PBA star na ipararating sa Board of Director ang isyu upang malunasan ang suliranin ng liga na itinatag ni Senator at boxing icon Manny Pacquiao.

Nananatiling nakabinbin ang programa ng MPBL, gayundin ng iba pang liga na tulad ng Premier Volleyball League at Philippine Superliga matapos irekomenda ng Technical Working Group ng Inter-Agency Task Force ang pagbabalik ensayo na may limitadong bilang at kapasidad sa Philippine Basketball Association (PBA) at Philippine Football League lamang.

Ibinatay ng IATF ang desisyon sa kahilingan na nakapaloob sa Joint Administrative Order (JAO) na isinumite ng Games and Amusement Board (GAB), Philippine Sports Commission (PSC) at Department of Health (DOH).

Ayon kay Mitra, ang PBA at PFL ay nasa pangangasiwa ng GAB bilang mga pro league. Maituturing na pro league o semi-pro ang MPBL, gayundin ang commercial volleyball league na PSL at PVL, ngunit hindi ito nagpa-sanctioned sa GAB – ang government regulating body sa pro sports.

Iginiit ni Mitra na may karapatan ang MPBL, gayundin ang ibang liga at organisasyon na humirit sa IATF, ngunit matimbang sa IATF ang pagkakaroon ng direktang supervision ng pamahalaan.

“For other leagues that are not under our supervision, they can approach IATF directly. What’s important is that there is an agency that can establish control and is answerable to the Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF),” ayon kay Mitra.