ISANG bagong koponan ang isasabak ng bansa sa World Chess Olympiad sa susunod na taon.
Ito ang inihayag ni Representative Prospero Pichay Jr., pangulo at chairman ng National Chess Federation of the Philippines, bilang paniniguro na tanging ‘best of the best’ ang magdadala ng koponan.
Ayon kay Pichay, sisikapin ng bansa na maipadala ang pinakamalakas na koponan sa biennial meet na orihinal na nakatakda sana sa Agosto 5 - 17 sa Moscow, Russia ngunit ipinagpaliban dahil sa COVID-19 pandemic.
"That's the reason why the NCFP is having constant tournaments," pahayag ni Pichay na kasalukuyang naka quarantine sa Baybay, Cantilan, Surigao del Sur. "So that we'll find the strongest players. We want to send the best."
Sinabi din ng mambabatas na kinakailangang walang "attitude problems" ang magiging miyembro ng team at dapat sumunod sa ibibigay na instructions ng coaching staff.
Ang pagbuo ng bagong national team ay ideya ni NCFP executive director Atty. Cliburn Anthony Orbe na sinabi nito pagkatapos ng nakaraang Battle of Grandmasters na napanalunan ni New York-based GM Mark Paragua kontra kay 13-time Philippine champion GM Rogelio "Joey" Antonio nitong Hunyo 28.
Tatalakayin ng NCFP board of directors ang isasagawang pagbuo ng bagong national team sa sandaling lumuwag na ang mga travel protocols.
Maliban kay Paragua na nagpahayag ng intensiyong magbalik sa Team Philippines, naglaro rin sa torneo ang mga US based GM's na sina Julio Catalino Sadorra, Oliver Barbosa at Rogelio Barcenilla at ang Italy-based na si Roland Salvador.
Ayon pa kay Pichay, wala ng mangyayaring "revamp" dahil na forfeit na ang mga slots lahat ng national team members makaraan ang postponement ng Olympiad.
Ang mga dapat na miyembro ng men's team sa Moscow Olympiad ay sina GM John Paul Gomez, Darwin Laylo at Barcenilla at International Masters Paulo Bersamina at Haridas Pascua.
Sa huling Chess Olympiad noong 2018 sa Batumi (Gerogia),tumapos ang ating men's team na 37th sa open division habang nalaglag naman ang women's team sa 67th place sa women's division.
Ang best performance ng mga Pinoy sa World Chess Olympiad ay noong 1988 sa Thessaloniki, Greece nang magtapos ang bansa na 7th place sa pamamagitan ng koponang pinamumunuan ni Torre kasama sina IM Rico Mascarinas at ang yumao ng si Ruben Rodriguez para sa boards 2 at 3 at si Antonio sa board 4, habang reserves naman sina Eric Gloria at Barcenilla. Marivic Awitan