MALABONG mapayagan sa kasalukuyang sitwasyon ang pagbabalik ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL), Philippine Volleyball League (PVL) at Philippine Superliga batay sa katayuan nito bilang mga amateur tournament.

Ipinapatupad nina GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra (kanan) at Commissioner Ed Trinidad ang mahigpit na ‘health protocol’ para sa mga atleta at lisensyadong individual

Ipinapatupad nina GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra (kanan) at Commissioner Ed Trinidad ang mahigpit na ‘health protocol’ para sa mga atleta at lisensyadong individual

Batay sa panuntunan ng Inter-Agency Task Force matapos ang mahabang pagdinig ng Technical Working Group sa isinumiteng Joint Administrative Order ng Games and Amusement Board (GAB), Philippine Sports Commission (PSC) at ng Department of Health (DOH) para sa gagamiting guidelines sa muling pagbabalik ng mga sports sa ilalim ng community quarantine dulot ng COVID- 19 pandemic, hindi pinapayagan ang pagbabalik ng mga amateur sports event.

“The IATF ruled out contact sports and activities for non-pros until an effective vaccine and established standard of care is put in place for COVID-19 cases,” pahayag ni GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra matapos ang zoom meeting ng IATF.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Ang tatlong nabanggit na sports organization ay pawang hindi sanctioned sa GAB, sa kabila ng pagkakaroon ng buwanang suweldo at kontrata ng mga players at iba pang personnel ng liga. Naudlot ang National Championship ng MPBL dahil sa pandemic.

Nitong Biyernes, ipinahayag ng IATF ang pahintulot sa unti-unting pagbabalik ng professional basketball at football na limitado lamang sa pagsasanay at ang dami ay batay sa kinapapaluobang community quarantine.

Nauna rito, pinayagan ng IATF ang pagsasagawa ng exercises sa mga limitadong lugar, gayundin ang walking, running, cycling at swimming at ilang non-contact sports activities.

Sa pinakabagong desison ng IATF, pinayagan na rin ang pagbabalik ensayo ng ng Philippine Basketball Association (PBA) at Philippine Football League (PFL), na nasa pangangasiwa ni Tokyo Olympic chief of mission Nonong Araneta.

Pinayagan din ng IATF ang pagsasanay ng Chooks to Go 3x3 National Team, isang amateur squad, na nakatakdang sumabak sa Olympic Qualifying Tournament sa Austria sa Mayo, ngunit iginiit ni Mitra na matagal nang nagpahayag ng intension ang Chooks na magpa-sanctione sa GAB para sa ilulunsad na pro league na nabinbin dahil sa COVIC-19.

“We talked to Coach Eric (Altamirano) and he personally asked us to include 3x3 basketball in JAO as plan to professionalize the league is already a work in progress. Any sport or league may go direct to the IATF but for sure, the IATF will want to know who’s in charge, who will supervise and who will control to make sure health and safety protocols are followed,” pahayag ni Mitra.

Dahil nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) ang Manila, limang tao lamang ang papayagan kada team ng PBA na magsanay. Tataas ito sa 10 sa MGCQ at 20 sakaling maalis na ang community quarantine.

“Siguro, tyempo muna tayo, after months of practices, maybe we could request the TWG to allow also scrimmages and then actual games na,” sambit ni Mitra.

Samantala, iginiit ni Mitra na hihingan niya ng paglilinaw ang IATf hingil sa hindi pagkakasama ng boxing sa pinayagan na magbalik, sa kabila nang naunang desisyon na payagan na rin ang sports.

“I was under the impression that boxing was included. Sa zoom meeting namin ok na ang boxing after ipaliwanag namin na sa mga laban nakasalalay ang kabuhayan ng ating mga boxers. Our appeal is in behalf of the boxers because for them, it’s no fight, no pay,” pahayag ni Mitra.

“Kaya po hihingi tayo ng clarification about this, dahil basketball at football lang ang nabanggit na unti-unti nang maibalik,” aniya.

-Edwin G. Rollon