Makararanas ng pansamantalang power interruption ang ilang lugar sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan ngayong linggo dahil sa mga pagkukumpuni na nakatakdang isagawa ng Manila Electric Co. (Meralco) sa kanilang mga pasilidad.
Sa maintenance schedule na inilabas ng Meralco, sisimulan ang kanilang maintenance activities ngayong araw, Hulyo 6, at magtatagal hanggang sa Linggo, Hunyo 12.
Ayon sa Meralco, sa Hulyo 6, apektado ng power interruptions ang Fort Bonifacio, sa Taguig City dahil sa instalasyon ng mga pasilidad sa 5th Ave. kanto ng 25th St. sa Bonifacio Global City (BGC).
Sa Hulyo 7 naman ay inaasahang maaapektuhan ang Tala, Caloocan City at Novaliches, Quezon City dahil sa relokasyon ng mga pasilidad na matatamaan ng Metro Rail Transit Line 7 (MRT-7) project sa Quirino Highway, Bgy. Greater Lagro, sa Novaliches; gayundin ang Batangas City sa Batangas dahil sa pagpapalit ng mga nabubulok na poste ng kuryente sa Brgy. Kumintang Ibaba.
Sa Hulyo 8 naman, inaasahang makakaranas ng pansamantalang pagkawala ng suplay ng kuryente ang ilang lugar sa Brgy. Rosario, Pasig City at Cainta, Rizal dahil sa line reconstruction works sa Ortigas Ave. sa Brgy. Sto. Domingo, sa Cainta; ilang lugar sa Gen. Trias City sa Cavite dahil sa replacement of poles, line reconductoring works at installation of additional lightning protection devices sa Doña Marquita St. sa Brgy. Pinagtipunan; at maging ang Biñan City sa Laguna, dahil sa instalasyon ng mga pasilidad, line reconductoring works at line reconstruction works sa Muñoz Compound sa Brgy. Casile.
Magsasagawa rin naman ang Meralco ng instalasyon ng mga pasilidad sa 1st Ave. kanto ng 31st St. sa BGC sa Brgy. Fort Bonifacio, Taguig City sa Hulyo 9 kaya’t inaasahang makakaranas ang ilang lugar doon ng power interruptions.
-Mary Ann Santiago