MARAMI tayong matitinik na imbestigador na maihahanay sa mga sikat na ahensiya sa mauunlad na bansa, na kayang-kayang lumutas ng malalaking kontrobersiyal na pangyayari o krimen, gaya ng sinasabing “misencounter” na biglang naging “murder”, sa pagitan ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Army (PA), na naganap noong nakaraang linggo sa Jolo, Sulu.
Nasisiguro ko na sisiw lang ang masalimuot na kasong ito, lalo na kung magtutulung-tulong sa pag-iimbestiga ang matitinik na operatiba mula sa National Bureau of Investigation (NBI) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Sa kasong ito, ang NBI lamang ang inatasan ng Palasyo na magsagawa ng malalim na imbestigasyon at tapusin ito sa pinaka-mabilis na panahon.
Makapananghalian nito lamang nakaraang Lunes, apat na naka-paisanong sundalo ng PA na nakatalaga bilang mga operatiba ng 9th Intelligence Service Unit ng Armed Forces of the Philippines (9th ISU AFP), ang napatay matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis na sumita sa SUV na sinasakyan ng mga ito, sa checkpoint na minamando ng mga pulis sa Barangay Bus-Bus ng naturang lalawigan.
Nagpakilala ang apat na sundalo – sina Maj. Marvin Indammog, Capt. Irwin Managuelod, Sgt. Jaime Velasco, at Corporal Abdal Asula -- at nagpakita pa ng kanilang ID bilang mga operatiba ng 9th ISU AFP, na may “covert intel-ops” laban sa isang grupo ng “suicide bomber” at teroristang bomb expert na si Mundi Sawadjaan.
Siyempre, sa ganitong hindi inaasahang pagpapanagpo ng dalawang puwersa ng pamahalaan, nagaganap ang pagpapalitan ng “countersigns” upang makapagpatuloy sa kani-kanilang operasyon ang mga operatiba.
Ang standard operating procedure (SOP) sa ganitong sitwasyon, kung medyo duda ang nagtse-checkpoint na puwersa, kinakailangan na “ora-mismo” ay tumawag ang isa sa mga ito sa communication center ng ahensiyang kinasasapian ng grupong na-intercept.
Hindi ito ginawa ng mga pulis – na ayon sa report ay binubuo nina P/Staff Sergeant Almudzrin Hadjaruddin, Patrolman Alkalaj Mandangan, Patrolman Rajiv Putalan, P/MSergeant Abdelzhimar Padjiri, P/MSergeant Hanie Baddiri, P/SSergeant Iskandar Susulan, P/SSergeant Ernisar Sappal, P/Corporal Sulki Andaki, at Patrolman Moh Nur Pasani – sa halip, sinabihan nila ang apat na sundalo na sumama na lamang sa presinto at doon magpaliwanag.
Agad namang tumalima ang mga sundalo at naka-convoy pa sa kanilang SUV ang mga pulis patungo sa ‘di kalayuang presinto.
Sa tantiya ko, sa tulong ng mga nagsusulputang video – kuha ng mga nakakalat na CCTV sa lugar at mga cellphone ng mga tao sa paligid, idagdag pa ang mga salaysay ng mga pangunahing testigo mula sa lugar – ay kahon agad ang grupong nagpasimula ng karumaldumal na pagpatay na ito sa apat na operatibang tiktik ng pamahalaan.
Sigurado akong lalabas ang katotohanan sa pangyayaring ito --- basta huwag lang manghihimasok sa imbestigasyon ng kaso, ang ilang matataas na opisyal ng pamahalaan na gustong pagtakpan ang kapalpakan ng kani-kanilang mga bata, na kapag natumbok sa imbestigasyon ay siguradong magsasabit din sa integridad ng kanilang opisina.
Ganito kasi ang palaging tinatahak na kalbaryo ng matitinik na imbestigador na determinadong lutasin ang malaking kasong hawak nila.
Kadalasan nang sila pa ang nalalagay sa alanganin kapag malapit na nilang matumbok ang solusyon sa kasong iniimbestigahan – resulta, bigla silang nare-relieve sa puwesto, napupunta sa floating status, o di kaya naman ay nakakasuhan, kapag minalas-malas, dahil lamang sa pagtatrabaho ng tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin.
Saksi ako sa mga pangyayaring ganito sa loob ng organisasyon ng pulis at military na kung ilang dekada ko ring naging tahanan, bilang isang mamamahayag na pinagkatiwalaan ng mga naging kaibigan kong operatiba, na makasama sa mga malalaking police at military operation na nagkaroon ng positibong resulta.
Sundan ang susunod na bahagi.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.