POSIBLENG maharap sa paglabag sa ipinapatupad na quarantine sina Barangay Ginebra star Japeth Aguilar, Japan-bound Thirdy Ravena at iba pang mga kasama pagkaraang kumalat sa social media ang kanilang paglalaro ng 5-on-5 basketball sa isang gym sa Greenhils, San Juan.

Mahigpit pa ring ipinagbabawal ang anumang uri ng kompetisyon, higit yaong mga contact sports  sa bansa, higit sa Metro Manila na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).

Sa nasabing video post nitong Hulyo 1, makikita ang scrimmage ng mga nasabing personalities kabilang sina Aguilar, Ravena at dating teammate ni Ravena na si Isaac Go.

Wala namang pahayag ang mga naturang players upang aminin o itanggi ang pagkakasangkot nila sa naturang video.

VP Sara, dinamayan tauhan niyang nakadetine sa Kamara dahil sa contempt order

Matatandaang nagsumite na ng plano ang PBA sa Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Infectious Diseases para sa kahilingan nilang makabalik na sa ensayo ang kanilang mga players sa ilalim ng umiiral na quarantine rules.

Base sa plano, magsasanay o magpapakundisyon ang mga players na nakagrupo na may tig-4 na miyembro alinsunod sa mga ipinatutupad na health protocols at mahigpit na ipinagbabawal ang paglalaro o scrimmages.

Wala pang ibinibigay na pahayag ang PBA Commissioner's Office sa mga naglabasang mga videos, ngunit nagsimula na silang mag-imbestiga hinggil sa nangyaring insidente. MARIVIC AWITAN