Ni Edwin Rollon

NAKABATAY ang pagbabalik ng sports sa ‘new normal’ sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force  on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) kung kaya’t pinapayuhan ni Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Ramon ‘El Presidente’ Fernandez ang lahat ng National Sports Association (NSA) na sumunod sa ipinapatupad na quarantine at ituon ang programa gamit ang teknolohiya upang patuloy na makapagsanay ang mga atleta.

Ramon Fernandez

FERNANDEZ

‘No vaccine, no contact sports muna talaga or else we want to sacrifice the health and well-being of the athletes and coaches,” sambit ni Fernandez kahapon sa 'Usapang Sports' ng Tabloids Organization In Philippine Sports (TOPS) na pamamagitan ng Sports On-Air via Zoom at livestreaming din sa Facebook at You Tube.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Sa kabila ng kasalukuyang katayuan, iginiit naman ni Fernandez, ang Officer-in-Charge ngayon sa ahensiya habang nakabakasyon si Chairman William ‘Butch’ Ramirez, na walang patlang at makukuha ng mga atleta at coach ang kanilang buwanang allowances sa naunang napagpasiyahan na 50 porsiyento.

“The Philippine Amusement and Gaming Corporation remittance continued kaya tuloy-tuloy pa rin  ang allowances ng mga atleta. We give 50 percent of their corresponding allowances para mapagkasya natin ang budget until December. Like other government agencies, nagbawas tayo ng budget para maidagdag sa gastusin ng pamahalaan sa paglaban sa COVID-19,” pahayag ni Fernandez sa nagbabalik na lingguhang sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission at PAGCOR.

“Tiis-tiis lang muna tayo dahil lahat tayo sa buong mundo ay naapektuhan ng pandemic. But rest assured, as what President Duterte instructed to us, aalagaan namin ang mga atleta,” sambit ni Fernandez.

Nakabantay rin ang PSC sa pangangailangan ng mga atleta na kasalukuyang nasa abroad tulad nina pole vaulter EJ Obiena at gymnast Carlos Yulo –na kasalukuyang nagsasanay bilang paghahanda sa naudlot na Tokyo Olympics.

“Tutok tayo dyan. But for our athletes na under quarantine dito sa atin, tuloy lang ayuda natin,” pahayag ng four-time PBA MVP.

Kabilang sa programa na isinusulong ng PSC ay ang online module para sa training, strength and conditioning, psychological at medical test sa mga atleta at coaches.

“Kompleto tayo sa personnel para sa pangangailangan na yan ng mga atleta. On the part of the NSA’s we appreciate the initiatives para sa online training and competitions tulad ng chess, karate, and taekwondo,” aniya.

Inamin ni Fernandez na malaki ang epekto sa performance ng atleta, higit yaong nakatakdang sumabak sa Olympics at hahataw pa sa nalalabing qualifying meet sa susunod na taon, ang kawalan ng face-to-face sparring at training, ngunit ang marubdob na pagnanasang manaig at makapagbigay ng karangalan sa bansa ang magiging baston sa tagumpay ng atletang Pinoy.