Ni Edwin Rollon
HANDA ang Games and Amusement Board na makipagtulungan sa Department of Health (DOH) at iba pang ahensiya ng pamahalaan na nakasentro sa programa para labanan ang COVID-19 upang maiahon sa kumunoy ng pighati ang mga Pinoy pro athletes at iba pang lisensiyadong individual sa pro sports.
Ayon kay GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra, umapela ang ahensiya, kasama sina Commissioner Ed Trinidad at Mar Masanguid upang maibalik unti-unti ang kabuhayan ng sector ng pro sports na tinamaan din ng ipinatupad na quarantrine.
Batay sa datos ng GAB, may 18 pro sports event ang naipatigil sa loob ng tatlong buwang pakikipaglaban ng pamahalaan para maabatan ang pandemic.
Naisumite ng GAB kamakailan ang 59-pahinang dokumento sa IATF na naglalaman ng mga suhestyon para maibalik ang pro sports alinsunod sa medical at safety protocols na hinubog ng GAB Medical Section, Boxing and other combat sports division, Professional basketball at iba pang pro games division, horse betting division, Philippine Football Federation, Philippine Basketball Association, boxing promoters at managers.
Malugod namang tinanggap ng IATF ang naturang dokumento at binigyan ng pagkakataon si Mitra na personal itong ipaliwanag sa isinagawang online video teleconferencing.
Ginamit ng GAB ang apat na ‘virtual simulators’ upang maipakita ang posibleng kaganapan sa muling pagbabalik ng PBA workouts at football games alinsunod sa proposed health and safety procedures.
Inutusan ng IATF si Mitra na kagyat na makipag-ugnayan sa DOH Technical Working Group upang magawa ang ‘draft’ para sa “Joint Administrative Order for the purpose of promulgating health and safety protocols for professional sports in accordance with the existing minimum health and safety guidelines published by the DOH”.
Sa inisyal na rekomendasyon ng DOH sa IATF,hiniling nito na limitahan ang pagsasagawa ng contact sports tournaments, games, at match habang wala pang epektibong medisina laban sa Covid-19.
"Whatever decision that the IATF will make, we will surely support and follow them," pahayag ni Mitra.
Kabilang sa nakibahagi sa telecon at nakarinig sa pahayag ng GAB sina IATF Chairperson and DOH Secretary Francisco Duque, gayundin sina IATF Co-Chairperson Secretary Karlo Nograles, DILG Secretary Ano, DICT Secretary Gringo Honasan, DOLE Secretary Belo, at iba pang miyembro ng IATF.