Ni Edwin Rollon
WALANG dahilan para matigil ang paghahanda ng atletang Pinoy para sa pagsabak sa Olympics. At kasangga si Senator Christopher Lawrence “Bong” Go sa laban ng sambayanan.
Nitong Biyernes, hiniling ni Go, Chairman ng Senate Committee on Sports, sa Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympic Committee (POC) at iba pang stakeholders na magbuo sa lalong madaling panahon ng ‘guidelines’ para mapanatili ang ayudang kailangan ng mga national athletes na sasabak sa Olympic, gayundin sa mga lalaban sa qualifying tournament sa gitna ng limitadong kilos sa ilalim ng general community quarantine.
“Habang patuloy na nilalabanan nating lahat ang pandemyang ito at hinahanda na rin natin ang bansa para sa ‘New Normal’ oras na malampasan natin ang krisis, kailangan ding mapaghandaan ng mga atleta natin ang kanilang mga laban sa paraan na ligtas at makakabuti sa kanilang pag-eensayo,” pahayag ni Go.
“Balansehin lang po natin, huwag natin biglain, pero huwag rin natin sila pabayaan. Kabuhayan po nila ang pinag-uusapan dito. Karamihan ng ating mga atleta ay nabubuhay gamit ang kanilang talento sa larangan ng sports,” aniya.
Iginiit ni Go na may mga nauna nang talakayan sa pagitan niya at nina PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez at POC President Abraham ‘Bambol’ Tolentino para maisaayos ang programa.
“Marami po sa ating mga atleta ay tatlong buwan nang hindi nakakapag-ensayo ng maayos. Planuhin dapat ng PSC at POC kung paano sila makakapaghanda sa kompetisyon sa paraang hindi rin sila mailalagay sa alanganin dahil sa kumakalat na sakit,” sambit ni Go.
Ayon kay Go, ang gagawing guidelines ay batay sa programa ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases upang masiguro na naaayon sa health protocol.
“We must take extra precaution and consider necessary safety guidelines and health protocols since we are still in the middle of a national health emergency caused by COVID-19,” pahayag ni Go, Chairman din ng Senate Committee on Health.
Kumpiyansa si Go sa magiging performance ng Pinoy sa Tokyo Olympics matapos ang impresibong kampanya sa nakalipas na 30th Southeast Asian Games kung saan nakamit ng bansa ang overall championship kipkip ang kabuuang 149 medalya. Huling nagawa ito ng Pinoy noong 2005 edition.
“Over-all champion tayo noong nakaraang 30th Southeast Asian Games and we hope that our success in the field of sports can continue in the upcoming Summer Olympics as well as other international competitions despite the current crisis we are facing,” aniya.
Sa kasalukuyan, pasok na sa Olympics – naurong sa susunod na taon – sina pole vaulter EJ Obiena, gymnast Carlos Yulo at boxers Nesty Pretecio at Eumir Marcial.