PANSAMANTALA lamang ang pagbawas ng monthly allowances ng mga atletang Pinoy.
Ayon kay Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Charles Maxey, naghahanap ng paraan ang PSC Board upang mapagkunan ng pondo para maipagkaloob ng buo ang mga allowances ng national pool.
Kamakailan, napagdesisyunan ng PSC Board na bawasan ng 50% ang allowance ng mga atleta at coaches para sa susunod na buwan bunsod nang kasalukuyang sitwasyon na likha ng pandemic na COVID-19.
Inaasahan ng ahensiya na maihahatid ng Philippine Gaming Corporation (PAGCOR) ang karagdagang P200 milyon pondo upang matanggapo ng mga atleta ang mga allowances hanggang Disyembre.
"The Chairman is working very hard," pahayag ni PSC Commissioner Charles Maxey sa panayam sa PSC hour.
Ayon kay Maxey, hindi ginusto ng ahensiya na tapyasin ang allowance ng mga atleta at coaches ngunit ito lamang sa ngayon ang pinakamabisang solusyon upang umabot hanggang Disyembre ang pondo ng PSC.
"We are hopeful, we can get a positive response from PAGCOR. Ang allowance kasi ng mga atleta ay galing sa National Sports Development Fund (NSDF) na provide ng PAGCOR sa PSC. Ngunit dahil nga sa pandemya naapektuhan ang pondo ng NSDF. But we will be coming up with alternatives. May awa ang Diyos. Gagawin namin ang lahat para sa mga atleta natin," pahayag ni Maxey.
Kamakailan ay nagpahiwatig na din ng paghingi ng tulong si Ramirez sa mga kilalang business tycoons sa bansa upang patuloy na masuportahanan ang mga atleta ng Pilipinas. ANNIE ABAD