MAY pagkakataon pang maglaro ang mga fifth-year at lagpas na sa age limit na mga student-athletes sa Season 83 ng UAAP dahil na rin sa biglang pagkabinbin ng nakalipas na season bunsod ng COVID-19.
Nakahanda umano ang UAAP Board of Managing Directors na i-adjust ang eligibility at age-limit rules para sa susunod na season kapag naaprubahan ang panukala ng Board of Trustees.
“They will still be eligible to play this school year. It’s like their last year was waived,” pahayag ni University of the Philippines board representative Kiko Diaz.
Base sa patakaran ng UAAP, ang mga student-athletes ay maaaring makalaro sa isang sporting event sa loob ng 5 seasons basta't hindi lalagpas sa age limit na 25-anyos.
Ngunit, dahil sa kasalukuyang pandemya, natigil habang hindi na naidaos ang ibang sports sa second semester ng UAAP Season 82 noong Abril 7.
Nilinaw naman ng UAAP na ang panukalang adjustment sa eligibility at age limit ay para lamang sa mga atletang nakansela at natigil ang mga events dahil sa COVID-19 gaya ng men’s at women’s volleyball tournaments.
“All the fifth-year players, for as long as they will still be enrolled this coming school year, they will be allowed to play,” ani Diaz.
“Yan yung mas madaling tanggapin, kasi how can you call it a playing year kung hindi sila naglaro?” dagdag naman ni UAAP executive director Rebo Saguisag. MARIVIC AWITAN