TULAD ng mga karaniwan at malalaking mga negosyo, dumaranas din ang Philippine Basketball Association ng "major financial losses" dahil sa coronavirus (COVID-19) pandemic.

Ito ang direktang inamin ni league commissioner Willie Marcial nitong Martes sa Philippine Sportswriters Association Forum.

“Sobrang naapektuhan ang PBA. Parang lahat ng negosyo naapektuhan, parang napipilayan. Ganun. Ganun din nararamdaman ng PBA,” ani Marcial.

Matapos ang nag-iisang laro sa opening day nitong  Marso 8, hindi na naipagpatuloy ang 45th season ng liga.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Bukod dito, ang iba pang mga nakatakdang aktibidad at events ng liga ay nabitin gaya ng D-League at paglulunsad ng 3×3 pagkaraang magdesisyon ang pamunuan nito na isuspinde lahat noong Marso 11.

Dahil dito, natigil at nawalan ng mapagkukunan ng pagkakakitaan ang ikalawa sa pinakamatandang professional cage league sa buong mundo.

“Ang mawawala sa’min, gate receipts. Ang mawala sa’min television, ang mawawala sa’min sponsorhips,” paliwanag ni Marcial.

Hindi naman niya sinabi ang eksaktong halaga ng nawawala sa PBA kada buwan mula noong ihinto nila ang season. “Sabihin ko na lang na lampas ng thirty-million a month ang nawawala sa’min. Pero wala kang magagawa, sakripisyo talaga ‘yun.”

Sa kabila nito, hindi naman sila tumigil sa pagbibigay suporta sa kanilang mga tauhan. Ito'y sa tulong na rin ng kanilang mga team owners at board of governors.

“Buti na lang may konti tayong savings, at ‘yung teams — team owners, governors — parang equity nila dahan-dahan pinapa-ano muna sa PBA para gamitin sa pang-sweldo,” wika ni Marcial.  MARIVIC AWITAN