Ni Edwin Rollon
MAY pag-iingat at batay sa panuntunan na ipinatutupad ng pamahalaan para sa paglaban sa COVID-19, unti-unti na ring bumabangon ang professional sports at dahan-dahan na ring binubuksan ng Games and Amusement Board (GAB) ang pintuan para matugunan ang pangangailangan ng mga atletang Pinoy.
Bilang panimula, pinangunahan ni GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra, kasama sina Commissioners Eduard Trinidad at Mat Masanguid, ang konsultasyon at pakikipagpulong sa mga Division heads at piling empleyado.
“Kailangan ang mahigpit na pag-iingat. While the government already imposed General Community Quarantine (GCQ) in Metro Manila, focus pa rin tayo sa safety and security ng ating mga kababayan, including our workforce, athletes, and stakeholders,” pahayag ni Mitra.
“We have to strictly manage a number of health protocols, including those affecting workplace and professional athletes' license application procedures, to fight the spread of the Coronavirus disease,” sambit ni Mitra.
Tulad ng iba pang sector na nagsimula na ring magbalik sa gawain, handa na rin ang GAB para paglingkuran ang mga atleta sa kanilang pagbabalik sa normal na pamumuhay.
“So far, may may request na kaming natatangap para sa pagbabalik ng pro football, gayundin sa basketball at combat sports tulad ng boxing, muay thai at mixed martial arts. Sa ngayon, patuloy ang aming monitoring at pakikipag-ugnayan sa Inter-Agency Task Force, para maisakatuparan ang pagbabalik ng sports sa tamang pagkakataon,” aniya.
Humingi rin si Mitra ng pang-unawa sa lahat, higit sa mga boxers na nabinbin ang mga laban bunsod ng COVID-19 na manatiling mahinahon at ipagpatuloy ang pagsasanay para masigurong handa ang kanilang mga pangangatawan at kaisipan.
Sa kasagsagan ng Enhanced Community Quarantine (ECQ), nakipag-ugnayan ang GAB sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para maisama sa mabibigyan ng social amelioration ang mga boxers, trainers, at coach.
“Nabigyan po natin ng ayuda ang ating mga kasama, sa pamamagitan ng DSWD cash assistance para po sa mga licensed boxers, mma, muay thai fighters, trainers, matchmakers, at iba pang qualified beneficiaries na nasa labas ng NCR,” pahayag ni Mitra.