OPTIMISTIKO si Wrestling Association of the Philippines (WAP) president Alvin Aguilar na babalik na sa normal na takbo ang buhay ng Pinoy, gayundin ng sports matapos ang pakikibaka sa COVID-19.
Naniniwala si Aguilar, founder din ng tanyag sa international at lokal na mixed martial arts fight championships na URCC, na tuluyang magagapi ang mapamuksang virus at maipagpapatuloy ang programa sa sports kabilang ang contact sports na wrestling.
"Manalig tayo sa Diyos at makiisa sa pakikibaka sa pandemic. We must fight the unseen enemy by following the regulations implemented by the government ,be health conscious, observe social distancing and staying at home during the quarantine period as the best effective weapon to prevent the outbreak,"pahayag ni Aguilar, kampeon din sa nilahukang World Jiujitsu Championship may ilang taon na ang nakalilipas.
Ngayong nasa modified na ang community quarantine, hinimok na ni Aguilar na maging handa ang kanyang mga wrestlers at martial artists na maghanda na para sa parating na new normal ng buhay kabilang ang sports at sikaping laging nasa kondisyon upang harapin ang bagong sistema sa larangan ng palakasan lalo na sa kanilang hanay.
"Stay in top shape and physically fit. Magensayo kahit sa loob ng bahay o bakuran,” aniya.
Ang wresting tulad ng boxing, judo, taekwondo, karate,silat,muay, jiujitsu, arnis, MMA at iba pang combat sports ay muli lamang matutunghayan sa ring o mat sa panahong knocked out na ang COVID-19.
Ang larangan ng wrestling sa bansa sa timon ni Aguilar ay kabilang sa mina ng ginto para sa Pilipinas partikular sa biennial meet na SEA Games.