INIURONG na rin ng International Basketball Federation (FIBA) sa susunod na taon ang dalawang 3x3 basketball Olympic Qualifying Tournaments.
Nauna rito, iniatras ng International Olympics Committee (IOC) ang Tokyo Olympics sa susunod na taon bunsod ng mapamuksang COVID-19.
Nitong Marso 12, hiniling ng FIBA na walang isasagawang 3X3 event bago ang August 2020 dahil sa hindi pa maayos na sitwasyon sa pandemic.
Sa pangangasiwa ng Chooks-to-Go Pilipinas 3x3, kwalipikado ang team Philippines sa OQT na nakatakda sanang laruin nitong Marso 18-22 sa Bangalore, India.
Binubuo ang Nationals nina Joshua Munzon, Alvin Pasaol, CJ Perez, at Mo Tautuaa. Kabilang sila sa Pool C kasama ang Slovenia, France, Qatar, at Dominican Republic.
Sa kabila ng kaganapan, ipinahayag ni Chooks-to-Go Pilipinas 3x3 league owner Ronald Mascariñas na patuloy na matatanggap nina 3x3 training pool players -- Munzon, Pasaol, Dylan Ababou, Troy Rike, Karl Dehesa, Santi Santillan, Franky Johnson, Chris De Chavez, at JR Alabanza – ang kanilang mga allowances.
Itinigil din ng FIBA 3x3 ang apat na World Tour events (Prague, Lausanne, Los Angeles, Nanjing), the FIBA 3x3 U23 Nations League, qualifiers to the various Zone Cups, at FIBA 3x3 U17 Zone Cups.