NAGKAISA ang tatlong pangunahing cycling stakeholders ng bansa sa panawagan sa paggamit ng bisikleta bilang transportasyon sa ilalim ng  tinatawag na ‘new normal.’

cycling

Ito ang panawagan nina Bert Lina ng  Lina Group of Companies, Moe Chulani (LBC) ng Ronda Pilipinas at Jeremy Go ng Go For Gold kasunod ng pagpupulong nitong Martes para gawing "major mode of transportation" ang bisikleta ngayong COVID-19 quarantine period.

Hiniling din nila ang suporta ng gobyerno sa pamamagitan ng pagsusulong sa regulasyon ng mga bike lanes sa lahat ng mga national, city at municipal roads sa buong bansa.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“There is a need to develop a proof-of-concept (POC) design adopting the bike lanes that have already been launched,” pahayag ni Lina, chairman ng Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhilCycling). “The group could come up with a proposal to fix the existing bike lanes.”

Kasama ni Lina sina PhilCycling board of directors Chulani at Jun Lomibao sa naganap na teleconference.

Ayon kay Chulani, may mga bike lanes ng itinalaga sa Antipolo City at Iloilo City may dalawang taon na ang nakalilipas at minimintina ng pribadong grupo.

Ayon naman kay Go, kailangang sigurihin ang kaligtasan ng mga riders sa mga ipapagawa pang mga bike lanes habang kailangan ding sumunod sa batas trapiko ang mga siklista.

Kasama rin sa pagpupulong sina Le Tour de Filipinas president Donna Lina, 7-Eleven Cliqq Roadbike Philippines AIR21 director Ric Rodriguez, ang chief of staff  ni Lina na si Titus Reyes at coach Ednalyn Hualda (Go For Gold) at coach Reinhard Gorantes ng  Philippine Navy-Standard Insurance.

Sa unang pagkakataon, nagkaisa ang mga cycling major stakeholders, race organizers at mga managers upang tumulong sa pagpigil sa paglaganap ng pandemic.

Bukod sa pagkakaroon ng bicycle lanes, hangad din nila na maitanim ang kultura ng paggamit ng bisikleta sa komunidad.

Plano rin nilang suportahan ang pagpabor ng Kongreso sa paggamit ng mga tao ng bisikleta bilang transportasyon gaya ng  House Bill No. 174 nina Representatives Karlo Nograles at Jericho Jonas Nograles at Senate Bill 1518 ni Senadora Pia Cayetano na hangad na magkaroon ng mga pop-up bicycle lanes at pathways sa panahong ito ng pandemic.

Umaasa din ang grupo na bubuhayin ni Senador Francis Tolentino ang kanyang cycling advocacy noong nanunungkulan siya bilang chairman ng Metropolitan Manila Development Authority.

Makikipag-ugnayan din ang grupo sa Philippine Olympic Committee at Philippine Sports Commission upang mas mapalawak ang kanilang adbokasiya. MARIVIC AWITAN