SA gitna man ng epidemya, asahan ang kagitingan at husay ng Pinoy – maging sa sports.
Nakamit ni Jocel Ninobla ng University of Santo Tomas ang gintong medalya sa Under-30 Female Division sa kauna-unahang Online Daedo Open European Poomsae Championships kamakailan.
Naisubi ni Ninobla, three-time UAAP champion, kabilang ang nakalipas na season sa women's individual event, ang kabuuang 7.53 puntos sa Koryo performance at 7.60 sa Pyongwon para sa kabuuang iskor na 7.565.
Ginapi niya sina Raquel Sanchez ng Spain at Mahsa Sadeghi ng Iran, kapwa umiskor ng 7.515, ngunit nakamit ni Sanchez ang silver via tiebreaker advantage.
Kabuuang 111 taekwondo jins ang sumabak sa naturang division.
Kabilang si Ninobla sa nagbigay ng dangal sa bansa sa nakalipas na 2019 Southeast Asian Games bilang miyembro ng koponan na sumungkit ng silver medal sa team event. Kasama niya sa grupo sina La Salle's Rinna Babanto at UST teammate na si Aidaine Laxa.
Isinagawa ang Online Daedo Open European Poomsae Championships bilang ‘experimental event’ ng European Taekwondo Union bilang pagtalima sa social distancing na ipinatutupad sa gitna ng pandemic na COVID-19. ANNIE ABAD