SINIGURO ng Philippine Sports Commission (PSC) na may nakalaang pondo para sa preparasyon ng mga atleta na sasabak sa nabinbin na Tokyo Olympics.
Ito ang tinuran kahapon ni PSC-PCO head Miss Malyn Bamba sa panayam sa online interactive program na Sports Lockdown.
Sinabi ni Bamba na hindi kailangan matakot o kabahan ang mga Olympic bound athletes na mawawalan ng pondo para sa kanilang preparasyon sa nasabing quadrennial meet na iniusog ng petsa sanhi ng paglaganap ng COVID-19.
"Dahil nagkaroon ng adjustments, hindi naman po kailangan na matakot o kabahan ang mga athletes natin for Olympics, dahil talagang mayroon naman po na pondo na nakalaan para sa paghahanda ng bansa para dyan," pahayag ni Bamba.
"It's just that hindi pa lang po tayo makakilos ngayon dahil nga sa sitwasyon but definitely, the Board is also preparing for it. Hindi naman po hahayaan ng PSC na masayang lang 'yung matagal nang gubto na oangarap para sa Olympics. Definitely kakusapin nila ulit ang mga NSAs specially for the preparation for Olympics," aniya.
Kamakailan, inunsiyo ng PSC ang planong pagtitipid matapos maisakripisyo ang pondo ng pamahalaan sa paglaban sa COVID-19. Kinansela na rin ng ahensiya ang lahat ng sports activities tulad ng Batang Pinoy at hosting ng 10th ASEAN Para Games ngayong taon.
Bukod dito, hindi na rin ni-renew ang kontrata ng ilang provincial coordinators upang makabawas sa gastusin ng ahensiya.
Ngunit, siniguro ng PSC na patuloy ang allowance ng mga atleta at mga coaches, gayundin ang Para athletes. ANNIE ABAD