IPINAHAYAG ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Vice Chairperson and General Manager Royina Garma na isinantabi ng pamunuan ang banta sa panganib ng COVID-19 at patuloy na nakapag-hatid serbisyo medikal ang iba’t ibang tangapan ng ahensiya sa buong Pilipinas.
Kabuuang 6,211 na pasyente na nabigyan ng ayuda sa kabuuang halaga na P63,513,546.57. Ang tulong medical na naipamigay ng ahensya ay para sa pagpapagamot, dialysis, chemotherapy, hemophilia at post-transplant medicines na batay sa Medical Access Program (MAP) ng ahensya.
Simula Mayo 4-8, 2020, kabuuang P22,147,432.67 ang naibigay na tulong ng ahensya sa 1,487 na mga pasyente na naopsital, P35, 866,057.36 naman ang ginugol sa mga nagdadialysis na umabot sa 4,415 katao.
Para sa chemotherapy, P4,417,404.12 ang inilaan ng PCSO para madugtungan ang buhay ng 227 na pasyente. Samantalang, 92 sa ating mga kababayan ang nakatangap ng P1,082,652.42 para sa kailangang post-transplant na gamot.
Sinabi ni Garma na sa gitna ng COVID-19 pandemic, hindi nakakalimutan ng PCSO ang mga mahihirap na Pilipino na maysakit, kaya naman patuloy ang PCSO sa paghahatid ng tulong medikal, upang maibsan ang epekto ng COVID-19 sa Pilipino at upang makapagbigay ayuda sa ating gobyerno sa pagsugpo sa nasabing virus.