HINDI maiiwan ang atletang Pinoy sa ayuda ng pamahalaan sa panahon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) na ipinapatupad bunsod ng krisis dulot ng COVID-19.

IPRINISINTA ni IBF champion Jerwin Ancajas ang title belt kay Senator Bong Go.

IPRINISINTA ni IBF champion Jerwin Ancajas ang title belt kay Senator Bong Go.

Ito ang siniguro ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go kasabay nang panawagan sa Philippine Sports Commission (PSC) at Games and Amusement Board (GAB), na siguruhing masusuportahan ang seguridad at katayuan ng atletang Pinoy maging amateur o professional sa gitna nang kinakaharap na pandemic.

“Nananawagan po ako sa pamahalaan na patuloy na suportahan ang ating mga atleta sa panahon na ito. Nagpapasalamat din ako sa PSC at GAB sa kanilang mga initiatives para sa ating mga atleta,” pahayag ni Go.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

“Mahalaga na alagaan natin hindi lang ang kanilang pisikal na kalusugan, kundi pati na rin ang kanilang mental well-being,” ayon kay Go.

Kamakailan, ipinahayag ng PSC, sa pamumuno ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez, na mananatili ang monthly allowances ng may 1,000 atleta at coaches na nasa Philippine Team.

Naglaan din ng matutuluyan at pagkain ang ahensiya sa mga miyembro ng national training pool na inabutan ng ECQ sa Manila. Patuloy din silang nakakatangap ng regular na medical check-up at psychological sessions, sa pamamagitan ng on-line system.

Kaagad namang nakipagtambalan ang GAB, sa pangunguna ni Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra, sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), bilang pagtalima na rin sa suhestyon ni Senator Go, para maisama ang mga GAB-licensed boxers, MMA fighters, trainors at iba pang pro athletes na apektado ng ECQ para sa Assistance for Individuals in Crisis Situations program, bukod sa kinakailangang relief goods.

“Dahil wala silang mga kompetisyon o pagkakakitaan ngayon — ang mga boxingero, Muay Thai, mixed martial arts fighters and other athletes, pati ang kanilang mga trainers through GAB — ay pinatulungan nating makakuha ng ayuda mula sa mga programa ng gobyerno tulad nung sa DSWD,” sambit ni Go.

Ayon kay Mitra, target ng ahensiya na matulungan ang 1,000 professional fighters, coaches, trainers at match makers na lisensyado ng GAB na mabigyan ng tulong pinansiyal ng pamahalaan. Sa kasalukuyan, nahatiran na nang food packs at financial assistance ang ilang fighters mula sa 14 na gym sa Metro Manila.

Hiniling din ni Go sa PSC na magsagawa ng plano para maisulong ang bagong polisiya para sa mga atleta na makapagpatuloy sa kanilang pagsasanay, sa gitna nang pakikipaglaban ng pamahaalan sa COVID-19.

“Ngayon, sa 'new normal', kailangan talaga nating mag-isip ng panibagong diskarte pagdating sa sports. Tingnan natin kung paano tayo magpatuloy gamit ang teknolohiya,” sambit ng Senator.

“Ang ating mga atleta ay nagdadala ng karangalan sa ating bansa sa pamamagitan ng kanilang husay at talento. Ngayon, ipakita natin ang taos pusong suporta sa kanila, hindi lang sa mga laro, kundi sa oras ng pangangailangan,” aniya.

Iginiit din ni Go, Chairman ng Senate Committee on Sports Chair, na nararapat na suportahan at tulungan ng mga sports stakeholders, higit yaong mga business owners sa industriya ang kanilang mga empleyado.

“Ang sports ay isang mahalagang bahagi ng ating kultura at ekonomiya. Ako ay nananawagan sa mga sports businesses na lubos na suportahan ang kanilang mga empleyado sa panahon ngayon. Huwag silang pabayaan, lalo na ngayon na pinilit natin silang manatili sa kanilang mga bahay para rin sa kanilang kapakanan,” giit ni Go.

“Para po sa mga malalaking sports businesses, kung maaari, bigyan natin ng anumang assistance ang ating mga kababayan na nasa sports industry. Tayo po ay magtulungan dahil nasa isang team tayong lahat.”

“Magbayanihan po tayo. Sama-sama, kaya nating talunin ang COVID-19 bilang isang nagkakaisang bansa,” aniya.  EDWIN ROLLON