RAMDAM ang malasakit ng Games and Amusement Board (GAB) sa mga professional athletes na hikahos at kabilang sa tunay na apektado ng kasalukuaygn Enhanced Community Qurantine (EQC) sa Luzon at ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.
Kaya’t walang sinayang na sandali si GAB Chairman Abraham ‘Baham’Mitra at kaagad na nakipag-ugnayan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) upang mahatiran ng tulong pinansiyal ang mga lisensyadong boxers, MMA fighters at iba pang pro athletes na apektado ng lockdown sa Manila at karatig lalawigan.
“Iba po itong AICS sa Social Amelioration Program (SAP) ng mga local government. Ito pong ayuda sa ating mga boxers at iba pang lisensyadong atleta ay sa pakikipag-ugnayan po ng GAB sa DSWD,” pahayag ni Mitra.
Kasalukuyan nang inaayos ng GAB ang listahan ng mga makatatanggap batay sa isinumiting dokumento ng mga fighters at inaasahang maisasaayos na ang pamamahagi ng ayuda sa madaling panahon.
“Matindi ang pangangailangan ng ating mga kababayan ng tulong higit at na-extend hanggang Mayo 15 ang ECQ sa Luzon,” sambit ng dating Palawan Congressman at Governor.
Ikinatuwa naman ni Mitra na sa kabila ng krisis, may ilang boxers, kabilang yaong mga nasa pangangalaga ng Quibors Boxing Gym ang nagsasagawa ng programa para makatulong sa mga ‘front liners’ at mga komunidad na dumaranas ng kahirapan dulot ng krisis ng Corona Virus (COVID-19).
“Nakakataba ng puso na buhay na buhay ang bayanihan sa ating mga Pinoy at sa boxing community,” pahayag ni Mitra.
“Alam natin ang hirap ng ating mga fighters, walang mga pinagkikitaan ang marami sa kanila dahil sa ECQ. Pero kahit ganoon, handa pa rin abg marami sa kanila na maglaan ng tulong sa kapwa,” aniya. EDWIN ROLLON