IPINAHATID ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez ang pasasalamat sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor), sa patuloy na ayuda sa kabila ng suliranin sa COVID-19.
Sa kasalukuyan, umabot sa kabuuang halaga na P409.01 million ang naibigay ng PAGCOR sa PSC sa unang quarter ng taong 2020.
Sa kabila ng pagbagsak ng ekonomiya, sanhi ng Coronavirus, ay nakuha pa rin ng PAGCOR na ibahagi ang kanilang kita sa nasabing komisyon para sa unang bahagi ng taong ito.
“We thank Pagcor for being a steady supporter and valuable partner of the PSC and the sports community,’’ pahayag ni Ramirez.
Unang naibigay ng PAGCOR sa PSC ang halagang P150.75 million s noong katapusan ng Marso na sinundan naman ng P99.42 million.
Ang nasabing halaga ang siyang ginagamit ng PSC upang matustusan ang mga gastusin ng mga mga atleta sa kanilang mga training, allowance at kanilang mga nilalahokang kompetisyon sa labas ng bansa, gamit ang National Sports Development Fund.
Matatandaan na ang PAGCOR din ang nagtustos upang maipasaayos ng PSC ang mga sports facilities na Rizal Memorial Sports Complex at Philsports Arena na nagamit din noong 30th SEA Games, sa kabuuang halaga na P842 milyon.
Samantala, hinikayat ng PSC ang lahat na patuloy na maging aktibo sa kabila ng kasalukuyang ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine ( ECQ) bunsod ng COVID-19.
Katuwang ang MILO, naglunsad ang PSC ng isang online sports clinic na maaring masundan ng nakararami kahit na nasa bahay lamang.
Ang nasabing online sports clinic ay tinawag na Active Kids are Healthy Kids! #MiloSportsClinicsOnline, na tatagal ng apat na linggo.
Tampok sa nasabing serye ay ang mga sports ng basketball, gymnastics, taekwondo at volleyball. ANNIE ABAD