PASASALAMAT sa bayaning frontliners mula sa isang lehitimong bayaning atleta.
Kabilang ang tinaguriang ‘undisputed’ Sea Games Long Jump Queen sa mga pangkaraniwang Pinoy na nagpahayag ng papuri at pasasalamat sa mga frontliners na lumalaban pata maabatan ang pagkalat ng COVID-19.
“Sa mga frontliners po natin na mga pulis, nurses, military, atleta, doctor, at sa lahat po na nagtutulong-tulong para sa ating sambayanang Pilipinas, maraming-maraming salamat po sa inyo. Kayo ang gold medalist ng buhay namin. Hero namin kayo!” pahayag ni Muros-Posadas.
Ayon sa kanya, higit pa sa gintong medalya ang katumbas ng inilalaang sakripisyo ng mga nasabing frontliners upang labanan ang nasabing virus at protektahan ang mga tao.
“Kung kaming atleta ay nagbibigay ng karangalang medalya para sa ating bansa, ito sobra pa sa medalya ang ibinibigay ninyo – buhay na po ang itinataya ninyo. Saludo po kami sa inyo. Maraming salamat po.” aniya.
Kakaibang laban umano ang kinakaharap ng mga naturang frontliners ayon kay Muros-Posadas kung saan ay malayo sa mga kompetisyon na kanyang sinabakan sa loob ng 20 taon bilang narional athlete.
“Ito ibang labanan. Higit pa sa disiplina, tiyaga at pasensya tayo kasi itong kalaban natin ay hindi natin nakikita. Walang imposible kay God. Laban natin itong lahat. Para maging champion tayo, magkaisa tayo para mawala na yung COVID-19," aniya.
Pinasalamatan din ni Muros-Posadas si Pangulong Rodrigo Duterte at Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William Ramirez sa kanilang tulong sa Team Philippines, sa mga frontline workers at sa lahat ng mga Pilipino ngayong panahon ng krisis.
“Maraming salamat kay President Rodrigo Duterte at kay PSC Chairman William Ramirez. Good heart talaga si Chairman. Nakita ko sa kanya na nandyan talaga yung puso niya sa sports. Saludo po ako sa inyo. Sana gabayan pa sila ng Diyos at bigyan ng mahabang buhay,” ayon pa kay Muros- Posadas. ANNIE ABAD