SA maraming mga tao na namamatay mula sa nagpapatuloy na coronavirus (COVID-19) epidemic, dapat nating bigyan ng pinakamataas na pagkilala ang mga doktor, nurses, medtechs, at iba pang health workers na nahawa ng sakit habang tumutulong sa libu-libong mga tao sa mga hospital sa bansa.
Hindi bababa sa siyam na doktor na ang namatay sa virus, ayon sa ulat ng Philippine Medical Association (PMA) nitong Huwebes. Kabilang dito sina Dr. Raul Jara, dating pangulo ng Philippine Heart Association; Dr. Sally Gatchalian, pinuno ng Philippine Pediatric Society; Dr. Henry Fernandez ng Bayambang, Pangasinan; Dr. Israel Bactol, cardiologist sa Philippine Heart Center; Dr. Greg Macasaet III, anesthesiologist ng Manila Doctors Hospital; Dr. Rose Pulido, oncologist ng San Juan de Dios Hospital; Dr. Marcelo Jaochico ng Pampanga Provincial Health Center; Dr.Raquel Seva, ob–gyne, sa Laguna; at Dr. Hector Alvvarez, ng Novaliches District Hospital.
Nasa gitna na tayo ngayon ng pandemic na pumapatay sa mga biktima sa buong mundo, habang ang umaapaw na ang mga kaso ng COVID-19 sa ating mga pasilidad sa bansa. Inaprubahan kamakailan ng Kongreso ang isang panukalang batas na naglalaan ng P275 billion upang magamit laban sa virus. Malaking bahagi ng pondo ang dapat na mapunta sa mga nangunguna sa laban na nagagaganap sa mga ospital ng bansa.
Sa isang address to the nation nitong Miyerkules, binigyan ni Pangulong Duterte ng espesyal na pagpupugay ang mga health workers, gayundin ang mga pulis, sundalo at iba pang kawani ng pamahalaan na nagpapatupad ng quarantine sa Metro Manila at sa natitirang bahagi ng Luzon. Kinilala rin niya ang mga nasa gobyerno at pribadong sektor na nagbibigay ng mga pagkain ngayon sa mahihirap na pamilyang walang kakayahang makapagtrabaho dahil sa ipinatutupad na lockdown.
Ngunit sentro ng kanyang pasasalamat, ayon sa Pangulo, ay para sa mga doktor, nurses, at iba pang medical workers, na silang nasa digmaan laban sa coronavirus, ang mga nangunguna sa labanan.
Isipin natin: Habang ang lahat ay hinihikayat na manatili sa kanilang mga tahanan upang maiwasan na mahawaan sila ng virus mula sa mga apektadong tao sa siksikang bus, tren o mall at mga opisina. Ang mga doktor, nurses, at iba ang health workers ay kinakailangang harapin ang mga positibo sa virus. Habang iniiiwas ang lahat na makaharap ang mga biktima, lumalapit sa kanila ang mga health workers upang matulungan silang gumaling.
“I am saddened by the news that the virus has claimed the lives of our doctors along the way,” ayon sa Pangulo. “Lahat po sila ay bayani.”
Kapag natapos na ang labang ito sa COVID-19 at sinimulan na natin ang rehabilitasyon para sa ating bansa at sa ating mga tao, dapat nating bigyan ng pagpupugay ang mga frontliners na namatay para sa kanilang tungkulin, isang espesyal na pagkilala, marahil isang ppublic memorial plaque kung saan nakalista ang mga pangalan ng mga nagbuwis ng kanilang buhay sa laban.
Marami tayong bantayog na nagbibigay ng pagkilala sa mga nagbuwis ng buhay sa mga digmaan para sa kalayaan ng ating bansa. Maituturing ding bayani ang ating mga doktor, nurses at iba pang medical workers na namatay sa pakikipaglaban sa virus, dahil inialay nila ang kanilang buhay laban sa nakamamatay na COVID-19.